Nag-abstain ang Pilipinas sa botohan hinggil sa resolusyon ng United Nation (UN) General Assembly para sa agarang humanitarian truce sa pagitan ng Israel at Palestinian militant group na Hamas.
Ayon kay Permanent Representative of the Philippines to the UN Antonio Lagdameo nitong Biyernes, Oktubre 27 (New York time), ang pag-abstain ng Pilipinas ay dahil sa hindi umano pagbanggit at pagkondena ng naturang resolusyon sa pag-atake ng Hamas sa Israel noong Oktubre 7, 2023, na naging sanhi ng pagkamatay ng libo-libong mga sibilyan, kabilang na ang mga Pilipino.
Sinegundahan naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang naturang pahayag ni Lagdameo.
“The Philippines abstained on the vote because of the notable absence of a factual mention in the resolution of the terrorist attacks on 07 October, in which Filipinos were killed. In regard of this Philippine interest, we supported Canada’s proposal to achieve more balance in the draft, with a factual reference to, and condemnation of, the 7 October terrorist attacks by Hamas that killed many innocent civilians including Filipinos working and living in Israel,” pahayag ng DFA.
“Canada’s proposal was supported by 88 states, but we regret that it fell short of 8 more votes that would have seen this critical element, which is important to the Philippines as to other countries, reflected in an important UN resolution,” dagdag pa nito.
Samantala, sinabi rin ng DFA na patuloy umanong susuportahan ng Pilipinas ang pagsisikap ng UN para mahinto na ang sigalot sa pagitan ng Israel at Hamas.
“We continue to support efforts of the UN, particularly the UN Security Council, the UN humanitarian system and the global community, to decisively put a stop to the alarming deaths and suffering in Gaza and Israel, assist those in need of humanitarian help, and restore peace and normalcy to the lives of millions of people affected by this crisis,” saad ng DFA.
Bukod naman sa Pilipinas, 44 iba pang mga bansa ang hindi bumoto sa nasabing resolusyon kasunod umano ng emergency special session na huling hiniling noong 1997.
Samantala, naipasa rin ang resolusyon dahil 120 mga bansa umano ang pumabor dito, habang 14 ang tumutol.