Dumalaw ang isa sa mga OG Dabarkads na si Jimmy Santos sa latest episode ng “E.A.T.” nitong Sabado, Oktubre 14.

Dumating si Jimmy sa studio bilang isang driver umano ni “Papa Ethan” na galing sa Amerika.

Kamakailan lang ay hinangaan pa si Jimmy sa kaniyang pangangalakal ng basura sa Canada na itinampok niya sa kaniyang vlog.

Pangangalakal ni Jimmy Santos sa ibang bansa, hinangaan ng netizens!

Napuno ng sigawan ang buong studio nang bumungad si Jimmy na may bitbit na cake para kay Joey De Leon na nagdiriwang ng kaarawan.

Hindi maitago ang bakas ng saya sa kani-kanilang mukha. Ang iba naman, hindi napigilang maluha.

“I like to greet you a happy, happy, happy birthday,” bati ni Jimmy kay Joey.

“Thank you,” sagot naman ni Joey.

“Whatever happen in this country, I still love you all three times a day,” pahabol pa ni Jimmy.

Pansamantala namang naudlot ang kanilang pagiging emosyunal nang biglang mabanggit ni Jimmy ang dating programa kung saan sila naging host habang nagbibigay siya ng mensahe sa lahat.

“I miss you all. Thank you very much. Still here and, uhm, Eat Bu…Eat Bulaga is still here to stay–”

“Mali, mali, mali, mali,” awat ni Vic Sotto, “E.A.T. E.A.T.”

Matatandaang naging mainit na debate kamakailan ang usapin ng copyright ng “Eat Bulaga” sa pagitan ng TAPE Inc. at TVJ na siyang nakaisip umano ng pangalan ng nasabing noontime show matapos ang panukalang “rebonding” ng nasabing production company.

https://balita.net.ph/2023/04/25/eat-bulaga-pagmamay-ari-ng-tvj-sey-ni-tito-sen-that-is-uncontestable/