Hinikayat ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga Pilipinong ipagpaliban muna ang pagbisita sa Holy Land sites sa gitna ng labanan sa Gaza Strip.
Sa isang Palace briefing nitong Martes, Oktubre 10, na inulat ng Presidential Communications Office (PCO), inihayag ni DFA Undersecretary Eduardo De Vega na bagama't hindi umano “areas in conflict” ang Holy Land sites, hindi raw normal na bumisita sa isang bansang nasa ilalim ng “state of war.”
“We haven’t put a travel ban on Israel. But our embassy has issued a travel advisory, so as much as possible, avoid traveling right now,” pahayag ni De Vega.
“We’re not telling you not to go but we’re advising you that it’s best, if possible, to postpone them until we’re absolutely sure that the hostilities have ended because after all, even the Prime Minister of Israel has said that we are in a state of war. So, it’s not normal for somebody to want to visit the country which is in a state of war,” paglilinaw naman niya.
Sinabi rin ni De Vera na ang pagpapatigil ng leisure trips ay makatutulong umano upang maiwasan ang mga problema sa hinaharap.
Ito ay matapos niyang banggitin na mayroong mga Pilipino na nagkaroon ng problema sa kanilang pagbiyahe palabas mula sa Israel ngunit kalaunan ay nakabalik sa Pilipinas bago nakansela ang mga sumunod na flights.
Ilang airlines sa Asya na rin umano ang nagkansela ng kanilang mga flight papuntang Tel Aviv, kabilang na raw ang Hainan Airlines, Cathay Pacific, at Korean Air. Sinundan naman umano ito ng iba pang nangungunang international air carriers.
Samantala, iniekomenda na rin ng Philippine Embassy in Israel na suspendihin muna ang paglalakbay sa Israel hanggang maging maayos na muli umano ang kalagayan sa naturang bansa.