Siniguro ni Israeli Ambassador to the Philippines Ilan Fluss na hindi pinababayaan ang overseas Filipino workers (OFWs) sa Israel sa gitna ng nangyayaring kaguluhan sa naturang bansa.

Sa isang press briefing nitong Linggo, Oktubre 8, sinabi ni Fluss na tulad ng mga Israeli ay sinisigurado din umano ng pamahalaan ng inatakeng bansa ang kaligtasan ng OFWs doon, tulad daw ng caregivers at hotel workers, maging ng mga estudyante.

"We continue taking care of them, they are part of the Israeli society. And we are looking at them as any other Israeli citizen," ani Fluss.

Ayon sa Israel Embassy, umatake ang terrorist organization na Hamas sa Israel sa gitna ng “Simchat Torah,” isang mapayapang pagdiriwang ng Jewish people nitong Sabado, Oktubre 7.

Internasyonal

Israel, nagdeklara ng ‘State of War alert’

Mahigit 250 Israelis na umano ang naitalang nasawi, habang mahigit 1,600 ang nasugatan at mahigit 100 Israelis ang dinakip bilang mga hostage sa Gaza.

Sa ngayon ay wala umanong naiuulat na Pinoy na naapektuhan ng nasabing kaguluhan.

Nauna naman nang nagpahayag ng pagkondena ang Office of the President sa nangyayaring pag-atake sa Israel.

https://balita.net.ph/2023/10/08/office-of-the-president-kinondena-ang-pag-atake-sa-israel/

Samantala, nagpasalamat si Fluss sa pagsuporta umano ng Pilipinas sa Israel.

"We appreciate the kind messages and support that Israel is receiving from our Filipino friends," ani Fluss.

Ayon sa tala ng Population and Immigration Authority ng Israel noong Disyembre 2021, mayroon umanong mahigit 30,000 mga Pilipino sa Israel.