Wala nang direktang epekto sa bansa ang bagyong Jenny, ngunit inaasahang magdudulot ng mga pag-ulan ang southwest monsoon o habagat sa ilang bahagi ng Luzon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Biyernes, Oktubre 6.

Sa tala ng PAGASA dakong 5:00 ng umaga, huling namataan ang Typhoon Jenny 385 kilometro ang layo sa west northwest ng Itbayat, Batanes sa labas ng PAR na may maximum sustained winds na 120 kilometers per hour at pagbugsong aabot sa 150 kilometers per hour.

Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 10 kilometers per hour.

Ayon sa PAGASA, bagama’t wala nang direktang epekto ang bagyo sa bansa, posible pa ring magdala ng mga kalat-kalat na pag-ulan ang trough nito sa Ilocos Norte, Batanes, at Babuyan Islands.

Duterte siblings, nag-bonding: 'Always something to be grateful for'

Inaasahan din umanong makaranas ng mga kalat-kalat na pag-ulan ang Metro Manila, Zambales. Bataan, Cavite, Batangas, Occidental Mindoro, at Ilocos Region dahil naman sa habagat.

Pinag-iingat pa rin ng PAGASA ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Samantala, isang bagong low pressure area (LPA) ang binabantayan ngayon ng PAGASA sa labas ng PAR.

Huli umano itong namataan 1,950 kilometro ang layo sa silangan ng Southeastern Luzon.

Ayon sa PAGASA, posibleng maging bagyo ang naturang LPA at pumasok ng PAR sa katapusan ng linggo.