Bumenta sa mga netizen ang tila kulungang disenyo ng restaurant na matatagpuan sa bayan ng Silang sa Cavite dahil pati ang mga crew ay nakasuot ng damit pampreso.
Sa eksklusibong panayam ng Balita, natuklasang pagmamay-ari pala ito nina Marwin C. Marasigan, graduate ng Hotel and Restaurant Management sa Cavite State University, at Franz Karl Barbuco, graduate ng Criminology sa National College of Science and Technology.
Ayon kay Marwin, noong Hulyo lang umano naitayo ang “PareShabu.” Naghahain sila ng pares, shabu-shabu, sizzling, at street foods.
Ibinahagi rin niya ang inspirasyon sa likod ng malikhain at unique na pangalan ng nasabing restaurant.
“Dahil po trend talaga sa atin ang pares, umisip po ako ng bagong twist na kakaiba at bago sa panlasa. Mahilig din po ako sa shabu-shabu kaya ko po naisip ang ‘PareShabu’.”
Ang shabu-shabu ay isang kilalang Japanese food nabemono hotpot dish na may maninipis na hiwa ng karne at mga gulay na pinakuluan sa mainit na tubig. Inihahain ito ng may kasamang sauce.
Tila fan talaga ng Korean food si Marwin. Sa katunayan, nagtayo rin umano siya ng Korean restaurant na “Busan PH” ang pangalan bago naitatag ang “PareShabu”.
Para naman sa mga sumusubok na pasukin ang food business, nagbigay ng mensahe si Marwin. Ayon sa kaniya, huwag umanong matatakot sumubok. Tiyakin din na plano ang bawat hakbang na gagawin.
“Huwag matakot sumubok, pero siguraduhin na planado lahat. Hindi pwedeng gusto n’yo lang. Dapat lahat pinag-aaralan, lawakan ang imahinasyon.”