Hindi na bago sa ating mga sambahayan at komunidad ang gawaing pangangalaga o ‘care work’, ngunit hindi pa ito ganap na nakikilala sa tunay na halaga nito, kahit na higit sa isang bilyong tao sa buong mundo ang umaasa sa isang tagapag-alaga.

Sa mga nakalipas na taon, ang konsepto ng care economy ay nakakuha na ng malaking atensyon sa buong mundo. Kinikilala nito ang napakalaking halaga ng care work na walang bayad—na pangunahing ginagawa ng mga kababaihan—sa pag-aalaga ng mga indibidwal, pagpapanatili ng mga sambahayan, at pag-aambag sa pangkalahatang kapakanan ng lipunan.

Imposibleng ipagwalang-bahala ito dahil gaya ng sinabi ni dating US First Lady Rosalynn Carter, mayroon lamang apat na uri ng tao sa mundo — iyong mga naging tagapag-alaga, mga kasalukuyang tagapag-alaga, mga magiging tagapag-alaga, at mga mangangailangan ng mga tagapag-alaga.

Makikinabang nang husto ang Pilipinas sa potensyal ng care economy—na isa sa pinakamabilis na lumalagong sektor ng trabaho sa mundo—dahil na rin sa malalim na pagpapahalaga sa pamilya at sa komunidad ng mga Pilipino.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Tama si dating US Secretary of State Hillary Clinton — Ang pangangalaga ay pundasyon ng ekonomiya.

Noong nakaraang linggo, nakilahok ako sa mga pinuno mula sa iba't ibang sektor ng lipunan upang maghanap at magsagawa ng mga solusyon sa pinakamabibigat na hamon sa mundo sa Clinton Global Initiative — isang pangkat na gumawa na ng 3,400 Commitments to Action na tumulong na mapabuti ang buhay ng mahigit 430 milyong tao sa higit sa 180 na mga bansa.

Ang paghamon sa gender bias

Sa kasamaang-palad, kadalasang nababalewala at hindi pinahahalagahan ang gawaing pangangalaga. Sa kabila ng napakalaking kahalagahan at epekto nito sa lipunan, madalas itong nakikita bilang simpleng gawain ng kababaihan kaya hindi binibigyan ng pagkilalang nararapat dito. Ang hindi pagkakapantay-pantay na ito ay nagmumula sa mga lumang paniniwala sa dapat na tungkulin ng bawat kasarian, kabilang na dito ay ang maling paniniwala na ang responsibilidad sa pag-aalaga ay gawain lamang ng mga kababaihan.

Gayunpaman, mahalagang kilalanin na ang gawaing pangangalaga ay hindi limitado sa kasarian; ito ay isang mahalagang aspeto ng ating kolektibong kagalingan. Sa pamamagitan ng paghamon sa mga pagkiling na ito at pagtataguyod ng pantay na halaga at paggalang sa lahat ng anyo ng trabaho, anuman ang kasarian, maaari tayong lumikha ng isang mas pantay at inklusibong lipunan para sa lahat.

Dapat na tayong kumilos upang maabot ang ganap na pagkakapantay-pantay ng kasarian. Nakakabigla na ang pinakahuling pagtaya ni United Nations Secretary General Antonio Gutteres ay, kung pagbabasehan ang kasalukuyang mga pagsisikap, aabutin pa ng 300 taon bago makamit ang gender equality.

Pagpormalisa sa ekonomiya ng pangangalaga

Sa buong mundo, 16.4 bilyong oras ang ginugugol sa walang bayad na trabaho sa pangangalaga araw-araw. Kung ito ay babayaran, kahit na minimum wage, ang gawaing ito ay aabot sa siyam na porsyento ng global domestic product.

Inaasahang lalaki pa ang bilang na ito. Pagsapit ng 2030, tinatayang 2.3 bilyong tao sa buong mundo ang mangangailangan ng pangangalaga — bata man, matanda, o may kapansanan

Panahon na para mamuhunan tayo sa pagpormalisa sa care economy, hindi lamang sa pagsisiguro na gawin itong accessible sa nangagailangan ng pangangalaga, kundi pati na rin sa pagtiyak na ang care work ay kinikilala, sinusuportahan, at binibigyan ng dignidad na nararapat dito.

Sino ang nag-aalaga sa mga tagapag-alaga

Ang dapat nating itanong ngayon ay — sino ang nangangalaga sa mga tagapag-alaga? Kapag nagawa nating bigyan ng kahalagahan ang kapakanan ng mga tagapag-alaga, masisiguro natin ang isang napapanatili at pantay na sistema na sa huli ay magdudulot ng isang pinabuting ekonomiya ng pangangalaga para sa lahat.