Nakikipagbuno ngayon ang mga awtoridad ng bansang India sa pagsiklab ng “Nipah virus,” na nagdulot na ng pagsasara ng mga paaralan at opisina sa Kerala, ang southern state ng naturang bansa.
Ngunit, ano nga ba ang Nipah virus?
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang Nipah virus infection ay isang “zoonotic illness.”
Naitala ang unang Nipah outbreak noong 1998 matapos kumalat ang virus sa mga nag-aalaga ng baboy sa Malaysia.
Ang naturang virus ay ipinangalan sa lugar kung saan ito natuklasan.
Tulad ng Ebola, Zika at Covid-19, ang Nipah ay isinama ng WHO bilang isa sa ilang mga sakit na karapat-dapat gawing prayoridad sa pananaliksik dahil sa kanilang potensyal na magdulot ng isang pandaigdigang epidemya.
Ano ang posibleng paraan para mahawa ng naturang virus?
Karaniwan umanong nakukuha ang Nipah virus mula sa mga hayop o sa pamamagitan ng kontaminadong pagkain, ngunit maaari rin daw itong direktang naipapasa sa pagitan ng mga tao.
Ang mga fruit bat ang “natural carriers” ng naturang virus.
Sa Bangladesh at India, naganap umano ang outbreaks ng Nipah virus dahil sa pagkonsumo ng mga prutas at hilaw na “date palm juice” na kontaminado ng ihi o laway ng mga infected fruit bat.
Ano ang sintomas ng Nipah virus?
Kasama sa mga sintomas ng Nipah virus ay ang lagnat, pagsusuka at respiratory infection.
Posible rin umanong maging sanhi ang seizure at pamamaga ng utak na nagreresulta ng comatose o coma.
Gaano kapanganib ang Nipah virus, at may bakuna na ba rito?
Maituturing daw na “nakamamatay” ang Nipah virus.
Ayon sa WHO, mayroon itong high fatality rate na mula 50% hanggang 70%, kung saan posible nitong maapektuhan ang tatlo hanggang apat sa limang nahawaang indibidwal.
Inihayag din ni Filipino infectious disease expert Rontgene Solante na nakamamatay ang Nipah virus dahil sa kakayahan umano nitong makahawa sa utak na posibleng magdulot ng encephalitis o pamamaga ng utak.
Dagdag pa ni Solante, kapag nahawaan ang isang tao ng Nipah virus na nagdulot ng pamamaga ng utak, posible rin umanong maaapektuhan kalaunan ang iba pang organs nito, partikular na ang puso at baga.
Kaugnay nito, dalawang indibidwal na sa Kerala, India ang naitalang nasawi sa ikaapat na outbreak ng Nipah virus sa naturang bansa.
Samantala, wala pang bakuna para sa Nipah virus.
Mayroon na bang kaso ng virus sa Pilipinas sa kasalukuyan?
Kinumpirma ng Department of Health (DOH) kamakailan na wala pang naitatalang bagong kaso ng Nipah virus sa Pilipinas.
Iginiit naman ni Solante na malabong makarating ang nakamamatay na Nipah virus sa bansa.
Samantala, inihayag ng DOH na nananatili itong maagap sa pagtatatag ng isang surveillance system na idinisenyo upang makita ang anumang mga potensyal na kaso hinggil sa virus.
Ipinagpapatuloy din umano ng ahensya ang mga pagsisikap nitong palakasin ang public health interventions bilang bahagi ng eight-point action agenda nito.