Pansamantala munang sinuspinde ng Manila City Government ang pagdaraos ng kanilang regular na "Kalinga sa Maynila.”

Ito’y upang bigyang-daan ang pagdaraos ng 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre 30.

Probinsya

Estudyanteng 'di umano'y may kasong 'rape,' patay matapos buweltahan ng kaanak ng biktima!

Sa anunsiyo ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Linggo, ipinaliwanag niya na kailangang suspindihin ang Kalinga sa Maynila, na inorganisa ng pamahalaang lungsod at isinasagawa ng dalawang beses sa isang linggo sa iba’t ibang barangay, dahil mahigpit itong ipinagbabawal sa panahon ng halalan.

Nabatid na sinimulan ang suspensiyon nitong Setyembre at kaagad namang ibabalik sa Nobyembre o pagkatapos ng halalan.

Humingi rin naman ng paumanhin si Lacuna dahil sa naturang suspensiyon. “Pasensiya na po, ibabalik natin ang 'Kalinga sa Maynila' pagdating ng Nobyembre kapag tapos na ang eleksyon. Mami-miss din po namin ang aming paghahatid ng serbisyong diretso sa tao."

Nabatid na sa pamamagitan ng Kalinga sa Maynila ay naghahatid ang Manila City Hall ng pangunahin at mahahalagang serbisyo ng direkta sa mga residente.

Mayroon din itong open forum kung saan maaaring ilahad ng mga residente ang kanilang mga saloobin, katanungan, suhestiyon at kahilingan ng direkta sa kaalaman ng alkalde.

"Ang ugnayan ay ating isinasagawa sa ating mga nasasakupan kung saan maaring magbigay ng suhestiyon, saloobin, mga tanong, galit," ayon sa alkalde.

Idinagdag pa nito na ang mga residente ay maaring lumapit at manghingi ng tulong sa mga desks na inilagay sa paligid ng Kalingapara sa kanilang mga  personal na pangangailangan.