Inanunsiyo ng Manila City Government na magpapatupad sila ng road closures sa ilang kalsada ng lungsod sa mga susunod na araw, bunsod na rin nang nakatakdang pagdaraos ng 2023 bar examinations.
Batay sa traffic advisory ng Manila City Government, na ipinaskil ng Manila Public Information Office (PIO) sa kanilang social media page, nabatid na ang road closures ay isasagawa sa Setyembre 17, 20 at 24, na siyang araw nang pagdaraos ng bar exams.
Nabatid na sa ganap na 3:30 ng madaling araw hanggang alas- 9:00 ng umaga at mula alas-3:30 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi ay sarado ang Dapitan Street (mula Lacson Avenue hanggang Padre Noval Street); España Blvd. Westbound (2 lanes, mula Lacson Avenue hanggang Padre Noval Street).
Mula alas-2:00 ng madaling araw hanggang alas-7:00 ng gabi naman, sarado ang Legarda Street Eastbound (2 lanes, mula San Rafael Street hanggang Mendiola Street); Mendiola Street (both lanes, mula Peace Arch hanggang Malacañang Gate); Concepcion Aguila Street (both lanes, mula Mendiola Street hanggang Jose Laurel Street).
Kaugnay nito, nagpaalala rin ang lokal na pamahalaan sa mga motorista na asahan na ang masikip na daloy ng trapiko dahil sa nasabing road closures.
Pinayuhan din nila ang mga motorista na kung maaari ay maghanap ng alternatibong ruta upang para makaiwas sa trapik.
Ang bar exams sa lungsod ay idaraos sa University of Santo Tomas (UST) sa Sampaloc at San Beda University sa San Miguel.