Sa Creative Economy Outlook 2022 ng United Nations Conference on Trade and Development (UNCTAD), sinabi nito na ang creative economy o malikhaing ekonomiya ay nagbibigay ng isang opsyon sa pag-unlad sa lahat ng mga bansa, partikular na ang mga developing economy.

Ang isang malikhaing ekonomiya, ayon sa UNCTAD, ay nakatuon sa ugnayan sa pagitan ng pagkamalikhain ng tao at mga ideya, at intellectual property, kaalaman at teknolohiya. Ang buhay ng ekonomiyang ito ay ang mga malikhaing industriya, na kinabibilangan ng advertising, arkitektura, sining, disenyo, fashion, pelikula, video, photography, musika, sining ng pagtatanghal, paglalathala, pananaliksik at pag-unlad, software, mga laro sa computer, electronic publishing, at telebisyon at radyo.

Isa na ngayong economic powerhouse ang South Korea. Malayo sa nakalulungkot na estado nito noong 1950s kasunod ng Korean War—kung saan ang mga sundalong Pilipino ay naki-isa sa mga mandirigma ng South Korea.

Naging mahirap din ang paglalakbay ng bansa para makaahon sa kahirapan, ngunit isa sa mga mahusay na kanilang ginawa ay ang pagtuon sa kanilang cultural and creative sectors (CCS). Ayon sa Organization for Economic Cooperation and Development (OECD), ang cultural contents industry ng South Korea ay mayroong 2.6 porsyento ng pandaigdigang bahagi ng merkado, na bumubuo ng USD$ 114 bilyon sa mga benta, USD$ 10.3 bilyon sa pag-export, at 680,000 trabaho noong 2021. Ito ang ikapitong pinakamalaki sa mundo at patuloy na lumalaki, na may average annual growth rate na 4.87 porsyento.

National

Tinapyasang budget ng opisina ni VP Sara, ‘di na dapat baguhin – Sen. Risa

Sa simula ng kanyang administrasyon, ipinahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kanyang buong suporta para sa pagsulong at pagpapaunlad ng mga malikhaing industriya ng Pilipinas. Nangako siyang tutulungan ang mga malikhaing industriya sa panahon ng post-pandemic.

Bilang pagsuporta sa mga pahayag ng Pangulo, si Unang Ginang Liza Araneta-Marcos ay nagsusulong ng mga proyekto para sa pagpapaunlad ng mga malikhaing industriya sa Pilipinas.

Halimbawa, sa pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas noong Hunyo 12, pinangunahan ng Unang Ginang ang paglulunsad ng “Likha 2”, isang artisanal exhibit na nagdiriwang ng pagkamalikhain ng Pilipino sa pamamagitan ng tradisyonal na sining.

Binigyang-diin ng Unang Ginang sa kanyang talumpati na ang pagsisikap na ito ay naaayon sa mga salita ni Pangulong Marcos, na nagsabing world-class ang pagkamalikhain ng mga Pilipino.

Ngunit higit pa sa pagsuporta sa mga programa at pahayag ng Pangulo, ang gawaing ito ng Unang Ginang ay isang napakahalagang tulong para sa malikhaing industriya, na lubhang naapektuhan ng pandemya.

Ayon sa statistics mula sa Department of Trade and Industry (DTI), 90 porsiyento ng kita ng mga lokal na creative industry ang nawala nang dahil sa pandemya. Bukod dito, humigit-kumulang 61 porsiyento ng mga kumpanya ng sining at entertainment ang huminto sa kanilang operasyon, at higit sa one-fifth ng mga negosyong ito ay permanenteng nagsara.

Sinabi ng Unang Ginang na marami pang Likha exhibit sa hinaharap upang ipakita ang world-class creativity ng Filipino.

Ang Likha 2 ay inilunsad ilang buwan lamang pagkatapos ng unang “Likha” noong Pebrero. Nagbigay ito ng panibagong pag-asa sa marami sa ating mga artisan na ang pangunahing pinagkukunan ng pangkabuhayan ay ang kanilang daan-daang taong tradisyon.

Bukod dito, nagsimula na rin ang Unang Ginang ng mga proyektong kumikilala sa talento ng Pilipino sa mas malawak na entablado.

Sa Independence Day Vin d’honneur sa Malacanang noong Hunyo, suot ng mga babaeng dayuhang ambassador sa Pilipinas ang mga Filipiniana na idinisenyo ng mga Pilipinong designer. Ito ay inisyatiba ng Unang Ginang, dahil isang paraan upang isulong ang kultura ng Pilipinas ay sa pamamagitan ng fashion, na isa ring creative industry.

Isa pang inisyatiba ng Unang Ginang ang Malacanang Heritage Tours. Ito ay isang proyekto na nagbukas sa publiko ng mga heritage structure sa loob ng Malacanang complex upang ipakita ang mayamang kasaysayan, sining, at kultura ng Pilipinas. Isa sa mga tampok na heritage structures ay ang Goldenberg Mansion, na itinalaga bilang venue para sa kultural at artistikong mga kaganapan—ang Goldenberg Series, isang kultural na inisyatiba na naglalayong itaas ang kamalayan at ipagdiwang ang magkakaibang kultural na pamana ng Pilipinas.

Matagal nang patroness ng sining at kultura ang Unang Ginang. Sa katunayan, noong si Pangulong Bongbong ay gobernador ng Ilocos Norte, sinimulan ni ng Unang Ginang ang full scale cultural mapping ng buong lalawigan, bago pa man ito naging mandatory para sa mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng ganitong uri ng komprehensibong pananaliksik at dokumentasyong pangkultura. Malaki ang naiambag niya sa preserbasyon ng Inabel, ang paraan ng paghahabi ng mga Ilokano. Sinuportahan niya rin ang Museo Ilocos Norte, at ang muling pagbuhay sa industriya ng paghabi.

Ngayon, ginagaya niya ang kaniyang ginawa sa Ilocos Norte sa pambansang lebel—pinalalakas niya ang cultural empowerment.

Sa loob ng isang taon, inilunsad ng Unang Ginang ang isang cultural renaissance, at ang kanyang mga pagsisikap ay mas estratehiko—nagbibigay-diin sa kultura at pagkamalikhain ng Pilipino hindi lamang para sa kamalayan ngunit higit na mahalaga, upang itaguyod at mapanatili ang ating mga tradisyon, bilang isang paraan ng diplomasya, at tumulong sa pagsulong ng paglago ng ekonomiya.

Mayroon na tayong Philippine Creative Industries Development Act (Republic Act 11904) na nag-uutos sa pagsulong at pagpapaunlad ng mga malikhaing industriya ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagprotekta at pagpapalakas ng mga karapatan at kakayahan ng mga nasa industriyang ito.

Sa pamamagitan ng pagpapatupad ng batas na ito at sa pagsisikap ng gobyerno—sa pamamagitan ng Pangulo, Unang Ginang, at mga kinauukulang ahensya—umaasa tayo na sa susunod na mga dekada, ang Pilipinas bilang isang malikhaing bansa, tulad ng ating kapatid sa Asya na South Korea, ay makikilala na sa pandaigdigang entablado.