Bilang paggunita sa ika-40 anibersaryo ng pagpaslang kay Senador Benigno ”Ninoy” Aquino Jr., sinariwa ng human rights lawyer na si Atty. Chel Diokno ang sakripisyo umano nito para sa kalayaan ng Pilipinas.
“Muli nating sinasariwa ang kaniyang sakripisyo para muli nating makamit ang demokrasya’t kalayaan na ating tinatamasa,” pahayag ni Diokno nitong Lunes, Agosto 21.
Ayon pa sa human rights lawyer, sa kasalukuyang kalagayan kung saan nahaharap umano ang bansa sa “napakaraming hamon,” dapat umanong lalong protektahan at ipaglaban ang kalayaan ng bawat isa.
“Panatilihin nating buhay sa ating mga puso’t isip ang hangaring ito, para sa kapakanan ng kasalukuyan at darating pang mga henerasyon,” ani Diokno.
“Tuloy ang laban para sa ating Inang Bayan,” saad pa niya.
Matatandaang Agosto 21, 1983, nang paslangin si Aquino, senador ng 7th Congress at hayagang kritiko ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., sa Manila International Airport (ngayon ay Ninoy Aquino International Airport).
Ang naturang pagpaslang sa kaniya ang kalauna’y nagbunsod sa makasaysayang EDSA People Power Revolution noong 1986 at nagpabalik ng demokrasya ng Pilipinas.
MAKI-BALITA: Agosto Biente Uno: Ang pagpaslang kay Ninoy Aquino
?fbclid=IwAR3jMSG_os1IMyFBVtNmDqVwijk0o8SWYBQLVWIEkENegeI4N1LZ8AnZdT4