
(PNA)
Bulkang Kanlaon, yumanig pa ng 16 beses
Yumanig pa ng 16 beses ang Kanlaon Volcano, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa nakaraang 24 oras na pagbabantay ng ahensya, ang nasabing bilang ng pagyanig ng bulkan ay mas mababa kumpara naitalang 32 nitong madaling araw ng Huwebes hanggang madaling araw ng Biyernes, Hulyo 21.
Nagbuga rin ito ng 230 tonelada ng sulfur dioxide bukod pa sa naobserbahang puting usok na umabot sa 200 metrong taas.
Nakitaan pa rin ng ground deformation ang bulkan na senyales ng patuloy na pag-aalburoto nito.
Binigyang-diin pa ng Phivolcs, bawal pa rin pumasok sa 4-kilometer radius permanent danger zone (PDZ) dahil sa nakaambang panganib ng phreatic explosions.
Nakataas pa rin sa Level 1 ang alert level ng Bulkang Kanlaon.