Isang taga-Laguna ang pinalad na magwagi ng ₱29.7 milyong jackpot prize ng GrandLotto 6/55 na binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Miyerkules ng gabi.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa abiso ng PCSO nitong Huwebes, nabatid na matagumpay na nahulaan ng lucky winner ang six-digit winning combination ng GrandLotto 6/55 na 19-32-25-12-17-36 kaya’t naiuwi nito ang katumbas na premyong ₱29,700,000.

Ayon sa PCSO, nabili ng mapalad na mananaya ang kanyang lucky ticket sa Pagsanjan Public Market sa Brgy. Biñan, Pagsanjan, Laguna.

Upang makubra ang kanyang napanalunan, pinayuhan ng PCSO ang lucky winner na magtungo lamang sa kanilang punong tanggapan sa Mandaluyong City at iprisinta ang kanyang lucky ticket at dalawang balidong IDs.

Nagpaalala naman ang PCSO sa publiko na ang lahat ng premyong lampas sa P10,000 ay papatawan ng 20% tax, alinsunod sa TRAIN Law.

Ang lahat naman ng premyong hindi makukubra sa loob ng isang taon, mula sa araw ng pagbola dito, ay awtomatikong mapo-forfeit at mapupunta sa kawanggawa.

Nanawagan rin namang muli ang PCSO sa publiko na patuloy na tangkilikin ang kanilang mga palaro, partikular na ang lotto.

Una nang sinabi ni PCSO Vice Chairperson at General Manager Mel Robles na walang talo sa pagtaya sa lotto dahil sa halagang ₱20 lamang ay may pagkakataon nang maging susunod na milyonaryo at makakatulong pa sa kawanggawa.

Ang GrandLotto 6/55 ay binubola tuwing Lunes, Miyerkules at Sabado.