Inihayag ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas nitong Sabado, Hulyo 8, na dapat imbestigahan ng House Committee on Women and Gender Equality ang nangyaring “sexy dance number” sa fellowship ng National Bureau of Investigation (NBI) noong nakaraang linggo.

Matatandaang humingi ng paumanhin si NBI Director Medardo de Lemos nitong Biyernes, Hulyo 7 hinggil sa naturang insidente sa fellowship activity ng ahensya pagkatapos ng kanilang command conference.

MAKI-BALITA: Director De Lemos, nag-sorry sa pagkakaroon ng ‘sexy dancers’ sa NBI fellowship

“Hindi sapat na magsorry lang si NBI chief Medardo De Lemos sa nangyaring sexy dance number matapos ang NBI command conference. Dapat may managot. We need an independent and thorough investigation on the matter,” giit naman ni Brosas. 

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

“What’s further infuriating about the NBI scandal is that the bureau is the one legally mandated to handle sex scandal cases victimizing women, as well as cases of online sexual exploitation of children,” dagdag niya. 

Bilang nag-iisang kinatawan ng women’s partylist sa House of Representatives, sinabi rin ni Brosas na maghahain siya ng resolusyon para imbestigahan ang insidente.

“Hindi dapat palampasin ang pangyayaring ito. Baka pondo pa nga ng bayan ang ginastos sa palabas na iyon na itinuturing na pang-aliwan ang katawan ng kababaihan. Sa isang five-star hotel pa ginanap,” ani Brosas.

“All government agencies and officials must strictly adhere to the code of conduct and ethical standards, and should not in any way condone the explicit objectification of women, most especially during an official function. It is a shame if the NBI would find a way out of the mess by mere apology,” saad pa niya.