Humingi ng paumanhin si National Bureau of Investigation (NBI) Director Medardo de Lemos sa pagkakaroon ng mga “sexy dancer” na nag-perform umano sa fellowship activity ng ahensya pagkatapos ng command conference noong nakaraang linggo.

“Una sa lahat, humihingi kami ng paumanhin dahil sa hindi namin intensyon na makasakit ng damdamin ng ating kababaihan,” ani De Lemos sa isang press briefing nitong Biyernes, Hulyo 7.

“Kung naging offensive man ang pagsasayaw na ito noong June 30 after the command conference sa sensibilities ng ating mamamayan lalo na ng ating kababaihan, humihingi po kami ng paumanhin,” dagdag niya.

Ayon kay De Lemos, nagkaroon sila ng fellowship pagkatapos ng kanilang command conference upang magkaroon umano ng “bonding” ang kanilang regional officers at national officers sa Maynila.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Sinabi rin ng NBI director na wala siya sa venue noong mangyari ang naturang “sayawan” dahil bagama’t nasimulan daw niya ang naturang fellowship activity dakong 5:30 ng hapon, maaga raw siyang umalis sa venue dala na rin umano ng pagod sa dalawang araw nilang conference noong Hunyo 29 at 30.

“Kung nandoon ako, malamang napahinto natin ‘yun kung sumayaw man,” ani De Lemos.

Siniguro rin ni De Lemos na iniimbestigahan na nila ang naturang insidente, at hindi rin daw nila kukunsintihin ang “pagkakamali na ito.”

“Pinapaimbestigahan natin at papatawan natin ng karampatang parusa ayon sa Civil Service rules at opisina kung sino ang nagkamali, nag-imbita at nagpahintulot na sa sumayaw,” aniya.

“We will not hesitate to dismiss if dismissal is the penalty,” dagdag ni De Lemos.

Ayon pa kay De Lemos, base umano sa impormasyon ay walang pondo ng gobyerno ang ginamit para sa naturang fellowship activity.

“Sa pagkakaalam ko walang ginamit na pondo ng gobyerno rito. Masasabi ko rin na sa kasiyahan na iyon ay nag-ambag-ambag ang mga agents natin from the regions, from Manila para maging successful ang fellowship ng NBI after ng command conference,” ani De Lemos.

“Malakas po ang aming GAD dito, ‘yung aming proteksyon ng kababaihan at sinusuportahan po ng management ‘yun. Malaki po ang paggalang namin at respeto namin sa kababaihan,” saad pa niya.