Nagsimula akong maging interesado sa Singapore matapos kong mabasa ang isang artikulo sa Bloomberg na tinutukoy ang bansa bilang “The World's Most Competitive Economy” ilang taon na ang nakalilipas. Ngayon, mataas din ang ranking ng bansa sa digital competitiveness.
Sa 2022 na edisyon ng IMD World Digital Competitiveness Ranking—na tumitingin sa kung gaano kahanda ang mga bansa sa paggamit ng mga bagong digital na teknolohiya sa mga gawain ng gobyerno, mga business model, at sa lipunan—nailagay ang Singapore sa ika-4 mula sa 63 na mga bansang kasama sa listahan.
Ang Singapore ay tinanghal na nangungunang “smart city” sa Asya at ang ika-pito sa mundo sa 2023 IMD Smart City Index, na naglilista sa 141 na lungsod sa pamamagitan ng kung paano nila ginagamit ang teknolohiya upang matugunan ang mga hamon na kinakaharap nila upang makamit ang mas mataas na kalidad ng buhay.
Noong 2014, binalangkas ni Punong Ministro Lee Hsien Loong ang mga plano upang gawing kauna-unahang Smart Nation sa mundo ang Singapore.
Sa isang episode ng Citizen Digital: A Web Series by Eric Egan, ibinahagi ni Sarah Espaldon ng Open Government Products (OGP) ng Singapore ang ilan sa mga hamon na kailangang lampasan upang makalikha ng isang tunay na digital government. Kabilang dito ang seguridad, pagiging maaasahan, at kakayahang magamit. Binigyang-diin niya kung gaano kahalaga ang seguridad dahil ang pagkawala ng tiwala sa mga serbisyo ng digital na pamahalaan ay maaari ding mangahulugan ng pagkawala ng tiwala sa gobyerno.
Ang OGP ay kilala bilang modernong tech team ng Singapore na naghahanap ng solusyon sa mga problema sa pampublikong sektor. Ito ang experimental development team ng kanilang gobyerno. Gamit ang mga bagong kasanayan sa teknolohiya, pinapakita nila kung paano ito matagumpay na magagamit sa kanilang operasyon, at pagkatapos ay ipapakalat ang mga best practices sa mga sistema ng serbisyo publiko upang mapabilis ang digitalisasyon ng kanilang pamahalaan.
Binalangkas ng Tech for Good Institute ang limang pangunahing prayoridad na lugar sa Singapore na nagpapahiwatig ng pag-unlad ng digital na ekonomiya ng bansa: (1) Pagbuo ng secure na digital ecosystem; (2) Pagbuo ng isang masiglang digital na ekonomiya; (3) Ang pagiging digital-ready para sa isang matatag na lipunan; (4) Pagpapaigting ng research and development; at (5) Pagpoposisyon sa Singapore bilang Regional Trade Hub.
Noong nakaraang taon, nilagdaan ng Pilipinas at Singapore ang isang Memorandum of Understanding (MOU) sa digital cooperation, ang una sa pagitan ng dalawang bansa.
Sinasaklaw ng MOU ang digital cooperation, kabilang ang digital connectivity, partikular sa inter-operable system at frameworks na nagbibigay-daan sa electronic documentation; cybersecurity, tulad ng pag-aayos ng mga kurso sa pagsasanay at mga teknikal na programa sa pamamagitan ng ASEAN-Singapore Cybersecurity Center of Excellence (ASCCE) upang bumuo at mapahusay ang mga kasanayang may kaugnayan sa cybersecurity; at digital government/e-governance, tulad ng sa mga larangan ng digital government strategy, digital government services, at digital identity.
Sinasaklaw din ng MOU ang pagpapalitan ng kaalaman, teknikal na kadalubhasaan, at pinakamahusay na kagawian sa mga hakbang na nauugnay sa mga scam call at text; sa proteksyon ng personal na data; at sa mga emerging technology tulad ng artificial intelligence, 5G, cloud computing, Internet of Things, big data, analytics at robotics; bukod sa iba pa.
Magkakaroon din ng kooperasyon at pagpapalitan ng kaalaman upang palakasin ang digital innovation ecosystem, kabilang ang pagkonekta sa mga may-ari ng negosyo sa mga potensyal na solution providers; kooperasyon sa digital capability at capacity building programs; at pagpapalitan ng kaalaman at pinakamahusay na kasanayan sa digital infrastructure.
Napakaraming karanasan ng Singapore sa larangan ng e-governance at cybersecurity at sa pamamagitan ng memorandum of understanding na ito, maibabahagi nila sa atin ang kanilang best practices. Umaasa tayong matuto mula sa kanila at gayahin ang mga magiging epektibo sa ating bansa.
Maaaring magtagal bago tayo maging smart nation tulad ng Singapore, ngunit sa kasalukuyang pagsulong para sa digital transformation, maaari itong maging posible nang mas maaga kung sisimulan na natin sa bawat siyudad at bayan. -30-