Noong nagkaroon ng community quarantine dahil sa Covid-19, ang mga tinaguriang “essential workers” at ‘yung mga may quarantine pass lamang ang pinayagang lumabas. Ang karamihan sa populasyon ay natigil sa bahay, kaya marami ang tumutok sa cable TV, streaming site, at social media upang magpalipas ng oras o magpahinga mula sa work-from-home at mga gawain sa bahay.

Naging patok ang mga Korean dramas na may iba’t ibang tema, mula sa love story, start-up companies, mental health, at iba pa. Marami ang nakadiskubre sa mundo ng K-drama.

Pero bago pa ang pandemya, may fan base na ang K-drama sa Pilipinas. Nagsimula dito ang Hallyu wave nang magsimulang ipalabas sa primetime TV ang mga Koreanovela. Sa kalaunan, nahumaling na rin ang mga Pilipino sa K-pop, mga Korean artist, mga pagkain tulad ng samgyupsal, kimchi, at soju, at naging isa sa paboritong destinasyon ng mga Pilipinong turista ang South Korea.

Isa na ngayong economic powerhouse ang South Korea. Malayo sa nakalulungkot na estado nito noong 1950s kasunod ng Korean War—kung saan ang mga sundalong Pilipino ay naki-isa sa mga mandirigma ng South Korea.

National

Eastern Samar, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Naging mahirap din ang paglalakbay ng bansa para makaahon sa kahirapan, ngunit isa sa mga mahusay na kanilang ginawa ay ang pagtuon sa kanilang cultural and creative sectors (CCS). Ayon sa Organization for Economic Cooperation and Development (OECD), ang cultural contents industry ng South Korea ay mayroong 2.6 porsyento ng pandaigdigang bahagi ng merkado, na bumubuo ng USD$ 114 bilyon sa mga benta, USD$ 10.3 bilyon sa pag-export, at 680,000 trabaho noong 2021. Ito ang ikapitong pinakamalaki sa mundo at patuloy na lumalaki, na may average annual growth rate na 4.87 porsyento.

Ayon sa United Nations Conference on Trade and Development (UNCTAD), ang isang malikhaing ekonomiya ay nakatuon sa ugnayan sa pagitan ng pagkamalikhain ng tao at mga ideya, at intellectual property, kaalaman at teknolohiya. Ang buhay ng ekonomiyang ito ay ang mga malikhaing industriya, na kinabibilangan ng advertising, arkitektura, sining, disenyo, fashion, pelikula, video, photography, musika, sining ng pagtatanghal, paglalathala, pananaliksik at pag-unlad, software, mga laro sa computer, electronic publishing, at TV/radyo.

Ang estratehiya sa ekonomiya ng gobyerno ng Korea ay gumawa ng mga bagong industriya at merkado sa pamamagitan ng pagsasama o paghahanay ng imahinasyon at pagkamalikhain sa agham, teknolohiya at ICT at paglikha ng mga disenteng trabaho sa pamamagitan ng pagpapatibay ng mga tradisyunal na industriya.

Isang mahalagang bahagi sa malikhaing ekonomiya ng Korea ang digitalisasyon. Ayon sa OECD, ang digital na imprastraktura ng Korea, na sinusukat sa bahagi ng mga household na may access sa broadband, ay mas mataas kaysa sa ibang bansa ng OECD.

Ang maagang pamumuhunan ng gobyerno ng Korea sa digital na imprastraktura ay nagbigay-daan sa kanilang creative industry na makakuha ng momentum. Halimbawa, binigyang-daan nito ang kanilang industriya ng musika na maging globally competitive dahil mabilis silang nakalipat mula sa analog tungo sa digital.

Ginamit din nila ang internet at new media upang mahikayat ang aktibong pakikilahok ng mamamayan sa creative economy, tulad ng paglikha ng isang website kung saan madaling ma-access ng mga Koreano ang impormasyon at makatanggap ng komprehensibong suporta upang bumuo mula sa isang malikhaing ideya patungo sa isang bagong negosyo.

Maaaring hindi madaling gayahin ang tagumpay ng South Korea. Gayunpaman, tulad ng iminumungkahi ng UNCTAD, ang mga bansa ay dapat tumingin sa kanilang mga malikhaing industriya bilang mga pagkakataon sa matatag na pag-unlad.