Tinalakay ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary Anna Mae Yu Lamentillo ang digital gender gap bilang panimula sa Keynote Speaker Series ng International Women Committee (IWC) ng Asian Development Bank (ADB) para sa taong ito.

Sinabi ni Lamentillo, Undersecretary for Public Affairs and Foreign Relations ng DICT, na nasa isang trilyong dolyar sa GDP ang nawala sa 32 na mga bansa, kabilang ang Pilipinas, bilang resulta ng pagbubukod ng kababaihan sa digitalisasyon.

Ipinaliwanag niya na ang digital gender divide ay naging mas malinaw dahil sa hindi maiiwasang digital transformation. Halimbawa, ang isang pag-aaral ng International Finance Corp. (IFC) ay nagpakita na ang mga babaeng negosyante ay maaaring mas mahusay na makipagkumpitensya kung mayroon silang kinakailangang digital selling skills pati na rin ang access sa credit, ngunit 61% ng mga kababaihang Pilipino ay hindi pa rin nagmamay-ari ng bank account at hindi bahagi ng pormal na ekonomiya.

National

POGO operations sa bansa, ipinatitigil na ni PBBM

Bukod dito, sa Women in ICT Development Index (WIDI) ng DICT, habang 86% ng kababaihang Pilipino ang nagsabi na may access sila sa internet sa bahay man o sa ibang lugar, 26% lamang ang gumamit nito sa paghahanap sa edukasyon at serbisyo ng gobyerno, habang wala pang 20% ang gumamit nito sa paghahanap ng trabaho at mga oportunidad sa negosyo. At habang 55% ng mga kababaihan ang bumili ng mga produkto o serbisyo online, 6% lang ang nagbebenta ng mga produkto o serbisyo online.

Dahil dito, binigyang-diin niya na kailangang tiyakin na sa pagtungo sa “new normal” ay walang maiiwan sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga Pilipino ng mga kagamitan at kasanayan na kailangan nila para umunlad sa gitna ng Fourth Industrial Revolution.

“Nasa 65% pa ng bansa ang hindi pa rin konektado sa internet, at ito ang nag-uudyok sa atin na siguraduhing maikonekta ang bawat barangay sa bansa sa cyberspace. Ang pag-access sa internet ay nangangahulugan ng pag-access sa mga pagkakataon. Nais nating tiyakin na walang Pilipino, anuman ang edad at kasarian, ang maiiwan sa paglalakbay natin sa digital age,” ani Lamentillo.

Ang IWC ay isang impormal na komite sa ADB na nagtataguyod ng diyalogo sa loob ng komunidad ng ADB at sumusuporta sa International Women Staff ng ADB. Isa sa mga aktibidad nito ay ang Keynote Speaker Series kung saan nag-iimbita sila ng mga kilalang mga kababaihan upang talakayin ang iba’t ibang napapanahong paksa.

Para sa taong ito, inimbitahan si Lamentillo na maging kanilang unang tagapagsalita upang talakayin ang kanyang mga pagsisikap na isulong ang women empowerment sa digital economy.