Matapos ang paggunita sa Araw ng Kalayaan, mukhang ibang kalayaan ang nais matamo ni Kapuso comedy star Pokwang matapos niyang mag-file ng deportation o pagpapaalis sa bansa, ang American actor at dating partner na si Lee O'Brian.

Ibinahagi ni Pokwang sa kaniyang Instagram post ngayong Martes, Hunyo 13, ang litrato ng isang dokumento na may header mula sa Department of Justice, Bureau of Immigration.

Nakasilid pa sa brown envelope ang kabuuan ng katawan ng liham, subalit bahagyang mababasa na ito ay "petition."

Caption ni Pokwang sa kaniyang IG post, "Para sa karapatan ko at ng anak ko, para sa mga kapwa ko babae at sa bayan ko."

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Nakumpirma lamang na ito pala ay petition for deportation laban kay O'Brian sa naging panayam ni TV5 showbiz news reporter MJ Marfori.

"Hell hath no fury like a woman scorned. #Pokwang files a petition for deportation against ex-partner Lee O’Brian. Her camp claims that O’Brian was using a tourist visa while working in the country for the past eight years," ani Marfori sa kaniyang caption.

Kalakip nito ang video ng panayam kay Pokwang kung saan emosyonal na sinagot nito ang tanong ni MJ kung anong klaseng pang-aabuso ang naranasan nito, na humantong sa petisyong ipa-deport ang dating partner at ama ng anak na si Malia.

"Mentally. Sobrang-sobra. May mga gabing hindi ka makatulog. Hindi niya nagagawa ang obligasyon niya bilang ama. Sobrang masakit para sa akin," anang Pokwang.

Kasama ni Pokwang ang kaniyang legal counsel na si Atty. Ralph Calinisan.

Wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni O'Brian tungkol dito.

Matatandaang sa isang panayam, sinabi ni O'Brian na wala siyang masasabing anumang masakit laban kay Pokwang.

Bumati pa nga ito kay Pokwang bilang ina ng kaniyang anak, sa araw ng Mother's Day noong Mayo.