Sa kabila ng nangyaring effusive eruption sa Bulkang Mayon, ipinahayag ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) OIC Director Teresito Bacolcol na hindi pa kailangang itaas ang alert status ng bulkan sa level 4.

Sa isang public briefing nitong Lunes, Hunyo 12, ipinaliwanag ni Bacolcol na bagama't nagkaroon effusive eruption ang Bulkang Mayon, hindi pa maaaring itaas ang alert status dahil tinitingnan pa nila ang mga parameter bago magpasya na gawin ito.

"Yung effusive eruption involves slow release of magma onto the edifice of the volcano. Usually yung lava coming from an effusive eruption medyo low in dust. The lava flows are typically slow-moving and can be observed as rivers of molten rock," aniya.

Sa pinakahuling Mayon Volcano bulletin, ibinahagi ng Phivolcs na mula 7:47 ng gabi noong Hunyo 11, nagsimula ang aktibidad ng lava flow mula sa summit crater ng bulkan.

Probinsya

Problema ng pagbaha sa Rizal, dapat pangunahan ng angkan ng Ynares at Duavit —De Guzman

Idinagdag nito na ang naturang development ay sinamahan lamang ng mahinang seismic activity at bahagyang pamamaga ng mga itaas na bahagi ng bulkan bago ang nangyaring lava flow.

Para maitaas ito sa alert level 4, binanggit ni Bacolcol ang mga tiyak na parameter na palagi nilang sinusuri gaya ng biglaang pagbaba ng sulfur dioxide gas at pagtaas ng seismic activity.

"So if there is a sudden decrease of sulfure dioxide, ibig sabihin natrap yung gas doon sa loob ng lava dome and if there's a sudden release of sulfur dioxide then it could result to explosive eruption," paliwanag niya.

Sa bulletin na inilabas ng Phivolcs, sinabi nitong nakapagtala sila ng 21 mahinang volcanic earthquakes at 260 rockfall events. Bagama't tumaas, sinabi ni Bacolcol na hindi malakas ang mga ito at ang seismic energy na inilabas ay nasa background level lamang.

Idinagdag din ni Bacolcol na binabantayan nila kung magkakaroon ng inflation sa volcanic edifice, ngunit sa ngayon ay sa itaas na bahagi o upper slope pa lamang daw ang kanilang nakikita.

Panghuli, aniya, nagbabantay din sila sa pagtaas ng mass flux na nangangahulugang humahaba ang daloy ng lava, pagtaas ng pyroclastic density currents (PDC) events, at pagkakaroon ng lava fountaining. Binabantayan din nila kung magkakaroon ng maliliit na pagsabog.

"Effusive eruptions are generally less violent than explosive eruptions and it could produce less ash. Hopefully ganito lang yung magiging situation hindi na ito mageevolve pa into an explosive eruption," ani Bacolcol.

Dhel Nazario