Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Linggo, Hunyo 4, hinggil sa patuloy umanong degassing activity o pagbuga ng gas mula sa Bulkang Taal.
Sa ulat ng Phivolcs, mula pa 10:30 ng gabi nitong Sabado, Hunyo 3, nagkaroon ng patuloy na pagbuga ng gas mula sa Bulkang Taal kaakibat ng “upwelling” sa lawa ng Main Crater na nagdulot ng makapal na steam-rich plume na umabot sa 3,000 metro mula sa Taal Volcano Island (TVI). Lumikha umano ito ng volcanic smog o vog sa paligid ng bulkan.
“Nagbuga ang Taal Main Crater ng 5,831 tonelada kada araw na volcanic sulfur dioxide o SO2 gas noong 1 Hunyo 2023, mas mataas sa average na 3,556 tonelada kada araw nitong nakalipas na buwan,” anang Phivolcs.
“Bilang paalala, ang vog ay binubuo ng mga pinong droplet na naglalaman ng volcanic gas tulad ng SO2 na acidic at maaaring magdulot ng pangangati ng mata, lalamunan at respiratory tract na may kalubhaan depende sa mga konsentrasyon ng gas at tagal ng pagkakalantad,” dagdag nito.
Upang maiwasan ang mga panganib na dala ng vog, pinaalalahanan ng Phivolcs ang mga residente sa kalapit na lugar na manatili sa loob ng bahay, at isarado ang mga pinto at bintana upang maharangan umano ang vog. Kapag naman umano lalabas ay mainam na gamitin ang N95 facemask.
“Uminom ng maraming tubig upang mabawasan ang anumang pangangati o paninikip ng lalamunan,” paalala ng Phivolcs.
Ayon pa sa Phivolcs, ang mga indibidwal na maaaring partikular na sensitibo sa vog ay ang mga may kondisyong pangkalusugan tulad ng hika, sakit sa baga at sakit sa puso, mga matatanda, mga buntis na kababaihan at mga bata.
Samantala, nagbabala rin ang Phivolcs hinggil sa acid rain na maaaring mabuo sa mga panahon ng pag-ulan at paglabas ng gas ng bulkan sa mga lugar kung saan kumalat ang plume.
Nananatili naman umano ang Bulkang Taal sa Alert Level 1, ngunit maaari umano itong itaas sa Alert Level 2 kapag nagkaroon ng paglala o matinding pagbabago sa mga monitoring parameters nito.