Kinansela ng Commission on Elections (Comelec) ang registration ng An Waray Party List group matapos umanong pahintulutan ang kanilang ikalawang nominado na manumpa at umupo bilang kinatawan ng House of Representatives (HoR), nang walang Certificate of Proclamation mula sa poll body noong 2013 National and Local Elections (NLE).

Sa 15-pahinang desisyon ng Comelec Second Division, sinabi nito na ang pagkansela sa registration ng An Waray ay bunsod ng paglabag nila at pagkabigong tumalima sa mga batas, panuntunan at regulasyon na may kinalaman sa halalan, alinsunod sa itinatakda ng Section 6(5) ng Republic Act No. 7941.

Dagdag pa nito, natuklasang nilabag ng An Waray ang mga batas at panuntunan nang pahintulutan ang kanilang second nominee, na si Atty. Victoria Isabel Noel, na maupo bilang kinatawan ng House of Representatives sa 16th Congress, gayung batid nilang wala pang iniisyung Certificate of Proclamation ang Comelec.

Ipinaliwanag ng Comelec na dahil sa kawalan ng Certificate of Proclamation para sa kanilang second nominee, ang An Waray ay entitled lamang sa isang seat o puwesto sa Kongreso, noong 2013 NLE, kaya’t ang pag-upo ni Noel sa pwesto bilang kinatawan ng An Waray ay walang legal na basehan.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

“An Waray arrogated unto itself the authority to have its 2nd Nominee, Atty. Victoria Isabel Noel, to take her oath and assume office as representative in the HoR, an act which clearly constitutes a violation of laws relating to elections imputable to the party as provided under Section 6 (5) of RA No. 7941,” bahagi ng desisyon.

“Considering An Waray is entitled to ONE (1) SEAT ONLY in relation to the 13 May 2019 NLE and with no Certificate of Proclamation to entitle heaer as 2nd Nominee to sit as representative of the HoR, Respondent Victoria Isabel Noel’s assumption to office as Representative of An Waray in the HoR in the 16th Congress is without any legal basis,” anito pa.

“WHEREFORE, premises considered, the Petition is GRANTED. The registration of An Waray party-list is cancelled,” desisyon pa ng poll body, pabor sa petisyong inihain nina Danilo Pornias Jr. at Jude Acidre laban sa An Waray.

Matatandaang, noong 2013 NLE, iprinoklama ang An Waray bilang isa sa mga inisyal na nanalo sa party-list race at inisyal na binigyan ng dalawang puwesto sa Kamara.

Gayunman, ang inisyal na alokasyon para sa dalawang puwesto ay ni-recompute at naging isang puwesto na lamang, alinsunod sa NBOC Resolution NO. 13-030 (PL)/004-14 na na-promulgate noong Agosto 20, 2014.

Nabatid na isinagawa ang recomputation of seats kasunod ng kautusan ng Korte Suprema, sa Abang Lingkod Party List vs. Comelec, upang maiproklama ang Abang Lingkod Party List, bilang isa sa mga nanalong PL groups sa 2013 NLE.

Ang Comelec Second Division ay binubuo nina Presiding Commissioner Marlon Casquejo at Commissioners Rey Bulay at Nelson Celis.