Pinangunahan ni Makati City Mayor Abby Binay ang paglulunsad ng pinakabagong Mobile Learning Hubs sa lungsod noong Biyernes, Hunyo 2, sa hangarin nitong pagbutihin pa ang kalidad ng edukasyon ng mga kabataang Makatizen at tugunan ang dumaraming bilang ng mga pangunahing kakulangan sa pagbasa at pagsulat na nararanasan sa bansa.
Pinangunahan ni Binay, kasama ang kanyang asawang si Makati 2nd District Rep. Luis Campos at iba pang opisyal ng pamahalaang lungsod, ang programa na ginanap sa Makati Elementary School sa Barangay Poblacion.
Ayon kay Binay, bumili ang pamahalaang lungsod ng dalawang Mobile Learning Hub at inihayag ang plano ng kanyang administrasyon na bumili ng karagdagang sasakyan para sa inisyatiba.
Ang Mobile Learning Hub project ng Makati ay unang inilunsad noong kasagsagan ng Covid-19 pandemic kung saan tinansform nito ang nasa 27 jeepney upang maging "Dyipni Makati." Ang mga jeepney na ito ay nilagyan ng mga laptop, internet connection, libro at iba pang learning materials na gagamitin ng mga kabataan ng lungsod na nahihirapan sa kanilang online learning classes dahil sa kakulangan ng kagamitan at internet.
Ang dalawang bagong Mobile Learning Hubs ay nilagyan ng mga libro, TV, tablet, tutorial lesson, at iba pang kagamitan sa pag-aaral na itinuturing na upgrade mula sa mga sasakyan ng Dyipni Makati.
"Kami sa Makati, sinisiguro namin na ang mga umaakyat ng baytang ay mga pasado talaga. Lagi kaming may assessments, we make sure that our students are readers kasi ang problema natin ay yung basic eh, basic reading and basic writing. Basic reading and writing dapat tugunan as early as kinder until Grade 3," ani Binay.
"Itong mobile library ang magiging tugon natin para sa mga bata na masyadong nalululong sa tablet, nalululong sa games. Kailangan nating ibalik yung appreciation sa cabinet books kasi yung iba mas gusto nalang yung binabasa sa tablet or sa computer," dagdag niya.
Binanggit ng alkalde na dahil maliit ang Makati, hindi maaaring magtayo ng mga aklatan ang pamahalaang lungsod sa bawat barangay, kaya't ang kanilang desisyon ay gumawa ng proyekto ng mobile learning hub upang gawin itong mas mobile at accessible sa komunidad.
Bilang isang tagapagtaguyod ng kalidad at accessible na edukasyon at pagkatuto ng mga bata, inilunsad din ni Binay ang Project FREE (Free Relevant Excellent Education), na nagbibigay sa mga mag-aaral ng Makati public school mula preschool hanggang senior high ng libreng school supplies at ready-to-wear school uniforms.
Pinalawak ng pamahalaang lungsod ang Project FREE upang isama ang mga leather at rubber shoes, tumbler, medyas, rain gear, dengue at hygiene kit, jacket, at mga school bag at uniporme na inspirasyon ng Japan.
Patrick Garcia