Malaki na ang magbabago sa mga siyudad sa hinaharap dahil sa mabilis na pag-unlad ng mga teknolohiya, kabilang ang internet of things (IoT), artificial intelligence (AI), at blockchain, na patuloy na bumabago sa paraan ng ating pamumuhay.

Ayon sa United Nations, ang mga digital na teknolohiya ay umunlad nang mas mabilis kaysa sa anumang pagbabago sa ating kasaysayan—halos 50 porsiyento na ng populasyon ng mga developing countries ang naabot at nabago nito sa loob lamang ng dalawang dekada.

Sa kabila ng mabilis na pag-unlad, ang terminong “smart city” ay nabuo upang ilarawan ang paggamit ng information and communications technology (ICT) upang mapabuti ang kalagayan ng mga lungsod.

Ang pagbuo ng mga smart cities ay hindi lamang nangangahulugan ng pagkakaroon ng pinakabagong teknolohiya, ngunit pati na rin ang pagtiyak na ang paggamit ng ICT ay hahantong sa pagpapabuti ng kalidad ng buhay at higit na kaunlaran.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Noong 2018, itinatag ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang ASEAN Smart Cities Network (ASCN) upang maisulong ang pagkakaroon ng smart cities sa mga bansang miyembro ng ASEAN. Para sa Pilipinas, kabilang sa mga proyektong ito ay ang Command Center Upgrade and E-government Services sa siyudad ng Manila; ang Bus Rapid Transit System and Digital Traffic System sa Cebu City; at ang Converged Command and Control Center and Intelligent Transportation and Traffic Systems with Security sa Davao City.

Isa rin sa mga umuusbong na smart city sa bansa ay ang New Clark City, isang proyekto ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) kasama ang iba’t ibang pribadong kumpanya.

Ayon kay BCDA President at Chief Executive Officer Aileen R. Zosa, ang pag-unlad ng New Clark City ay hindi lamang nakatuon sa pagpapaluwag sa Metro Manila. Ito rin ay naglalayong palakasin ang lokal na ekonomiya ng rehiyon ng Gitnang Luzon at mga kalapit na lalawigan. Kapag ganap ng natapos ang New Clark City ay inaasahang magiging tahanan ito ng may isang milyong mamamayan, at magbibigay ng mga oportunidad sa trabaho sa humigit-kumulang 600,000 Pilipino.

Inihanay ng BCDA ang ilang mga proyekto at programa sa New Clark City, partikular sa larangan ng sustainable development, renewable energy, ICT, estate management, transportasyon, turismo at smart city technologies, bukod sa iba pa.

Inaasahan natin na ang ehemplo ng BCDA ay masundan ng ibang mga lungsod sa bansa. Bagama't maaaring magtagal bago maging ganap na smart city ang ating mga urban centers, dapat na magsimula na ngayon ang pagbabago, para makasabay tayo sa mabilis na pag-unlad ng mundong ito.