Sikat ngayon ang artificial intelligence (AI) chatbot na ChatGPT dahil sa kakayahan nito na magbigay ng detalyadong sagot sa iba’t ibang larangan ng kaalaman. Maaari rin siyang gamitin para sa content creation, data analysis, at code generation na malaking tulong sa mga organisasyon. Samakatuwid, may mga usapan na tungkol sa paggamit ng teknolohiya sa pagtulong sa mga scientist na pag-aralan ang planetang Mars.

Pinapadali ng AI ang paraan ng paggawa natin ng mga bagay, tulad ng smart replies sa email, real-time na pag-update sa kalagayan ng trapiko, paggamit ng voice command, face recognition, at marami pang iba. Ang AI ay nakakaapekto sa ating pang-araw-araw na buhay. Dapat na natin itong tanggapin at bumuo ng mga regulasyon para sa maayos na paggamit ng nasabing teknolohiya.

Para sa Pilipinas, ang paggamit ng mga bago at umuusbong na teknolohiya ay makatutulong sa pagsulong ng ating mga pagsisikap patungo sa inclusive development at gender equality. Ngayon, ang digital divide ay nagiging bagong mukha ng hindi pagkakapantay-pantay ng kasarian. Dapat nating gamitin ang mga bagong teknolohiya tulad ng AI upang baligtarin ito.

Kinikilala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang mga umuusbong na teknolohiya ay maaaring solusyon sa mga matatagal nang problema ng bansa, ngunit binibigyang-diin din ang mga panganib na maaaring idulot nito, kaya mahalaga ang maayos na istruktura ng pamamahala.

National

Bagyo sa labas ng PAR, pinangalanan nang ‘Romina’; Signal #1, itinaas sa Kalayaan Islands

Noong Marso, pinangunahan ng International Telecommunications Union (ITU) ang workshop na “Artificial Intelligence Dialogue: Gender Based AI Policy and Standard.” Kabilang sa mga pinagusapan ang patakaran sa AI sa pandaigdigan, rehiyonal at lokal na antas, gayundin ang konteksto ng AI, mga panganib at mga hakbang upang mabawasan ang mga ito, at pagbuo ng mga pamantayan ng AI. Tinalakay rin dito ang mga panganib sa kasarian at lipunan na maaring maidulot ng AI, tuntunan ng moralidad sa paggawa ng patakaran sa AI, at pamantayang tumutugon sa kasarian.

Binabago na ng AI ang paraan ng paggawa natin ng mga bagay. Nagsisimula na itong baguhin ang paraan kung paano natin pinamamahalaan ang mga negosyo. Tinutulungan nito ang mga doktor at ospital na mas mahusay na suriin ang data ng kalusugan ng mga pasyente. Nakatutulong ito sa pagpapabuti ng karanasan sa pag-aaral ng estudyante batay sa kanilang mga pangangailangan. Ang mga pamahalaan ay maaaring magdisenyo ng mas mahusay na mga patakaran at gumawa ng mas mahusay na mga desisyon sa pamamagitan ng AI.

Hindi tayo dapat matakot sa teknolohiyang ito. Sa halip, dapat nating gamitin ang potensyal nito upang maiangat ang ating mga mamamayan, ang ating mga lokal na industriya, at ang ating ekonomiya. Kailangan lang nating ilatag at isaayos ang mga polisiya upang magamit ang teknolohiyang ito sa ikabubuti ng ating mundo.