Nabagbag ang damdamin ng mga netizen sa ibinahaging kuwento ng gurong si Ma'am Melanie Figueroa, nagtuturo ng asignaturang Araling Panlipunan sa Grade 10 sa Hinaplanon National High School na matatagpuan sa Iligan City, Lanao Del Norte, hinggil sa kaniyang mag-aaral na namatayan ng ina matapos magsilang ng kambal.

Kuwento ni Ma'am Melanie sa Balita, ang naturang mag-aaral na si "Mike" ay napag-alaman nilang nagtitipid nang sobra sa kaniyang baon ang mag-aaral upang may maipambili ng sabong panlaba sa kaniyang nag-iisang uniporme.

Isa pa sa mga suliraning kinahaharap ng estudyante ay ang pangangailangan ng kanilang kambal na kapatid.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

"Masyado lang po natouch sa kuwento ng buhay nila. Masasabi ko lang na sobrang hirap nila to think na 'yong baon niyang 10 or 15 ay iniipon niya makabili lang ng sabong panlaba para malabhan niya ang uniform niya. Isa lang kasi ang uniform niya," ani Ma'am Melanie sa panayam ng Balita.

"Nang makausap ko siya humihingi po siya ng black slacks kasi bukod sa gusto niyang may pamalit ay luma at may sira na po. Ang trabaho po ng tatay niya ay 'pananggot.'"

"Tuba at suka po ang kanilang produkto. Mas lalo po akong nahabag dahil kamamatay lang po ng nanay nila tatlong buwan matapos manganak ng kambal. Dito po mas lalo silang nahihirapan dahil po sa pang-araw-araw na pangangailangan sa gatas, diaper at iba pang needs ng kambal at iba pang mga kapatid."

"Walo po sila. Para po mas makatulong ako pinost ko po ang kuwento niya sa aking Facebook."

Matapos daw ang pag-post niya sa social media sa sitwasyon ng pamilya ni Mike, kaagad daw bumaha ng tulong para sa kaniya. Kaagad naman niya itong ipinamili ng grocery items lalo na sa pangangailangan ng kambal gaya ng gatas at diapers.

"Nakakuha po ako ₱14,000 in just 20 minutes mula po sa mga kaibigan at dating estudyante. Nabilhan ko po ang kambal ng mga gatas at diaper pati na rin mga pangangailan nila sa araw-araw. Kaya lang po alam ko di pa sapat iyon at malamang sa mga oras na ito ay paubos na rin ito."

Ibinahagi rin ni Ma'am Melanie ang home visitation niya kina Mike upang personal na i-abot ang mga naipamili gayundin ang cash na ipinaabot sa kaniya ng mga kaibigan at dating mag-aaral.

Hindi na bago kay Ma'am Melanie ang pagiging bayani sa kaniyang mga mag-aaral. Naitampok na rin siya sa Balita dahil sa kaniyang "Laptop para sa Pangarap" na kaniyang adbokasiya noong panahon ng pandemya.

BASAHIN: https://balita.net.ph/2021/09/19/ang-laptop-para-sa-pangarap-ni-maam-melanie-figueroa-ng-iligan/">https://balita.net.ph/2021/09/19/ang-laptop-para-sa-pangarap-ni-maam-melanie-figueroa-ng-iligan/

Naging "Teacher Santa Claus" din siya noong Pasko upang ipagkaloob ang Christmas wish ng kaniyang mga deserving na mag-aaral.

BASAHIN: https://balita.net.ph/2022/11/30/guro-mula-sa-iligan-city-instrumento-sa-pagtupad-ng-christmas-wish-ng-kaniyang-mga-mag-aaral/">https://balita.net.ph/2022/11/30/guro-mula-sa-iligan-city-instrumento-sa-pagtupad-ng-christmas-wish-ng-kaniyang-mga-mag-aaral/

Sa mga nagnanais na magpaabot ng tulong para kay Mike, mangyaring makipag-ugnayan lamang sa social media account ni Ma'am Melanie.

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa amingFacebookatTwitter!