Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Martes na umaabot na sa mahigit 8.7 milyon ang mga paslit na nabakunahan na sa laban sa measles at polio, sa ilalim ng kanilang ‘Chikiting Ligtas 2023.’
Sa isang pahayag, sinabi ng DOH na sa naturang bilang, 6,750,475 na ang nakatanggap ng bakuna laban sa tigdas o 69.56% ng total eligible population.
Samantala, nasa 2,024,747 paslit naman ang naturukan ng polio vaccine o 67.72% ng total eligible population.
Bilang karagdagan, nakapagpamahagi na rin umano ang ahensiya ng vitamin A supplement sa may 3,471,940 paslit.
Ang naturang isang buwang nationwide supplemental immunization campaign ay inilunsad noong nakaraang buwan at nakatakdang magtapos sa Mayo 31.
Target nitong mabigyan ng proteksiyon ang mga batang nagkaka-edad ng 0-59 months old laban sa measles, rubella at polio.