Sa gitna ng mga panawagang ibalik sa dati ang school calendar sa bansa dahil sa init ng panahon tuwing Abril at Mayo, isiniwalat ng Department of Education (DepEd) na pinag-aaralan pa ang mga panukala kaugnay nito.
“Hindi pa tapos ‘yung pag-aaral tungkol diyan, kung ibabalik or hindi so I cannot say for sure,” saad ni DepEd Undersecretary at Spokesperson Michael Poa nitong Biyernes, Mayo 19.
“Kung ibabalik man, hindi yan kaagaran because if we do that, hindi magkakaroon ng break ang ating mga learners at teachers,” saad pa niya.
Pinananawagan ng ilang grupo at mambabatas na ibalik na sa dati ang school calendar sa bansa dahil sa matinding init na nararanasan ng mga guro at estudyante sa mga pampublikong paaralan sa panahon ng tag-init.
BASAHIN: ‘School calendar, kailangan nang maibalik agad sa dati’ – house leader
BASAHIN: ‘Dahil sa init ng panahon’: ACT Rep. Castro, nanawagang ibalik sa dati ang school calendar
Gayunpaman, sinabi ni Poa na mayroong "ilang bagay na dapat isaalang-alang ngayon. Kung ibabalik umano ng DepEd ang April-May break, lilitaw ang mga alalahanin sa kaligtasan ng mga mag-aaral sa panahon ng tag-ulan.
Bilang interbensyon, sinabi ni Poa na ang mga pinuno ng paaralan ay inatasan na magpatupad ng Alternative Delivery Modes (ADMs) kung ang mga sitwasyon sa kani-kanilang mga paaralan ay hindi naaayon sa face-to-face classes.
“Right now, we have what we call the alternative delivery modes wherein if it’s too hot in a schools, they can switch to ADMs,” ani Poa.
“We noticed that there’s no one-size-fits-all, every region has strategies in terms of ADMs so we just want to make sure that it is being implemented,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Poa na hindi na kailangang humingi ng pahitulot mula sa kani-kanilang Schools Division Offices (SDOs) ang mga pinuno ng paaralan para ipatupad ang mga ADM.
“Hindi nila kailangan magpaalam, ang kailangan nilang gawin is i-implement na and they just report after for monitoring,” aniya.
Merlina Hernando-Malipot