Muling isinulong ni Senador Risa Hontiveros nitong Lunes, Mayo 15, ang pagkakapasa ng Senate Bill No. 148 na naglalayong bigyan ng financial assistance ang mga manggagawang buntis sa informal sector.

Sa nangyaring pagdinig sa Senado, iginiit ni Hontiveros na kinakailangan nang maipasa ang panukalang Maternity Benefit for Workers in the Informal Economy Bill sa gitna ng lumalawak na impormal na ekonomiya pagkatapos ng pandemya.

“Habang tumataas ang presyo ng mga bilihin, dumadami ang mga babaeng magaling dumiskarte ng dagdag kita para sa pamilya,” ani Hontiveros.

“Buo ang loob nilang mabuhay ang pamilya nila nang nay dignidad, pero hanggang ngayon, wala pa ring batas para sa kanila. Matagal na silang binabalewala. This legislation seeks to empower them as they empower our economy,” dagdag niya.

Saad ng senador, bagama't naipasa batas ng Expanded Maternity Leave limang taon na ang nakararaan, malaking bilang ng kababaihan sa impormal na ekonomiya ang hindi nakaka-access sa mga benepisyo nito.

“Ang dami nating kababayang buntis na hindi na nga sapat ang kita para sa pang araw-araw na gastusin, wala pang natitirang pera para maging voluntary contributor sa SSS. Umaasa akong maitatama natin ito,” ani Hontiveros.

Marami rin umanong mga babaeng buntis na nagtatrabaho sa informal economy ay mga ina na napabibilang sa mga kabataan, na hindi nakakatanggap ng mga serbisyo.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga manggagawa na hindi boluntaryo o regular na miyembro ng SSS ay tatanggap, sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ng isang beses na direktang maternity cash benefit sa bawat panganganak.

“Malaking bagay ang panukalang batas na ito para sa kinabukasan ng bawat pamilyang Pilipino,” ani Hontiveros.