Nagtala ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong buwan ng Abril ng pinakamataas na bilang ng international passengers mula pa noong Covid-19 pandemic, ayon sa Manila International Airport Authority (MIAA) nitong Biyernes, Mayo 12.
Sa tala ng MIAA, nagkaroon ng kabuuang 1,677,779 international passengers at 9,089 international flights nitong Abril.
Mahigit doble umano ito sa bilang na naitala noong Abril 2022, kung saan mayroong 663,824 international passengers at 4,494 international flights.
“Summer is indeed a popular time for vacation and international travel, not only for Filipinos taking advantage of airlines’ promotional fares or using travel funds for flights they couldn't use due to the pandemic, but also for our international visitors wanting to see the Philippines,” ani MIAA Officer-in-Charge Bryan Co.
“After more than two years of closed borders, we expect the momentum of recovery to continue for tourism and the aviation industry," dagdag niya.
Binanggit din ni Co na nakatanggap ang NAIA ng 1,178,461 na mga pasahero sa pangkalahatan sa unang sampung araw ng Abril habang sinasamantala ng mga bakasyunista ang Holy Week break.
Kasama ang mga domestic figure, nagrehistro umano ang NAIA ng kabuuang 3,666,503 pasahero at 22,816 flights noong Abril ngayong taon.
Ito ay kumakatawan sa pagtaas nang 50% mula sa 2,447,795 na mga pasahero noong Abril 2022, at bumubuo ng 86% ng 4,261,352 na mga pasahero noong Abril 2019, ang huling buong taon bago ang pandemya.
“Flight movement has also increased by 28% compared to the 17,774 flights in the same month last year, and is equivalent to 98% of the 23,327 flights in April 2019,” saad pa ng MIAA.
Nagtala rin umano ang MIAA ng average na 75.20% flight on-time performance (OTP) noong Abril 2023, isang pagpapabuti mula sa OTP rating noong Abril 2022 na 71.24%