Mainit na usap-usapan ngayon ang ispluk na pinakawalan ni Cristy Fermin hinggil umano sa "attitude problem" ng isa sa stars ng nagtapos na "Start-Up PH" na pinagbidahan nina Bea Alonzo, Yasmin Kurdi, Jeric Gonzales, at Alden Richards.
Maging si Cristy ay hindi makapaniwala sa impormasyong nakarating sa kaniya patungkol kay Alden na isa sa A-listers ng Kapuso Network. Ayon sa kaniyang pagkakakilala umano sa aktor, si Alden ay isang mapagkumbaba, mabait, magalang, marunong tumanaw ng utang na loob, at ang talagang gusto ay makapagpasaya lamang ng mga tao.
Kung makakapansin daw ay sunod-sunod ang mga isyung naglalabasan ngayon na hindi pumapabor sa kaniya. Una na rito ang tungkol sa pagkakaroon niya ng "hawi boys" na dati-rati ay wala naman daw ganoon.
Pagkatapos ay nabanggit na nga ni Cristy ang tungkol sa umano'y "pagpapahintay" ni Alden sa set ng Start-Up PH.
"Kalat na kalat ang balitang nagpapahintay si Alden sa kanyang mga kasama sa set ng Start Up. Merong kumokontra, may nagtatanggol pero mas marami yung nagsasabi na nagpapahintay siya," ayon kay Cristy.
"On the set na raw po yung mga kasamahan niya pero siya ay nasa waiting area pa rin o dressing room, hindi pa lumalabas."
Marami raw ang dumidepensa kay Alden bagama't marami rin ang nagpapatotoong nangyari ito.
Napagtanong-tanong na rin nina Cristy at co-hosts na sina Romel Chika at Wendell Alvarez kung nasaan na raw ba ang road manager/kaibigan/confidante ni Alden na si Tenten na matagal-tagal na ring hindi napagkikitang kasama ni Alden.
"Sino po yung malapit kay Alden ngayon, yung nasa paligid niya na umaakto raw po na high and mighty, na siya ang nasusunod sa lahat ng ginagawa ni Alden Richards."
Mukhang ang taong ito raw ang "nagpapasama" ngayon sa imahen ni Alden sa publiko, kaya payo ni Cristy, kailangan na sigurong mag-reality check ni Alden.
Matatandaang napabalita na rin ang tsikang ang tunay na dahilan daw kung bakit hindi na matutuloy ang PH adaptation ng Korean movie na "A Moment to Remember" ay sa "attitude problem."
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Alden tungkol dito.