Tinatayang 51% ng mga pamilyang Pilipino ang naniniwalang sila ay “mahirap”, ayon sa Social Weather Stations (SWS) nitong Linggo, Mayo 7.

Sa inilabas na First Quarter 2023 SWS survey, nasa 30% naman umano ang nire-rate ang kanilang mga sarili na nasa “borderline” o nasa gitna ng mahirap at hindi mahirap, habang 19% ang nagsabing hindi sila mahirap.

Isinagawa ng SWS ang nasabing survey mula Marso 26 hanggang 29, 2023, sa pamamagitan ng personal na pakikipanayam sa 1,200 indibidwal na ang edad ay 18 pataas, at may sampling error margin na ±2.8%.

Ang nasabing resulta ng survey ay kapareho umano noong Disyembre 2022 kung saan ang 51% ang hinahanay ang kanilang mga sarili sa mahihirap na pamilya, 31% sa borderline, at 19% sa hindi mahihirap na pamilya.

“The steady nationwide Self-Rated Poor figure between December 2022 and March 2023 was due to increases in Metro Manila and the Visayas, combined with a decline in Balance Luzon (or Luzon outside Metro Manila) and a steady score in Mindanao,” saad ng SWS.

Kung ikukumpara noong Disyembre 2022, tumaas ang Self-Rated Poor sa Metro Manila mula 32% hanggang 40% at sa Visayas mula 58% hanggang 65%. Gayunpaman, bumagsak ito sa Balance Luzon mula 49% hanggang 43% habang ito ay “statistically steady” sa Mindanao mula 59% hanggang 62%.

Sa kabilang banda, hindi nagbago ang “borderline” sa Metro Manila mula 29% hanggang 26%, sa Balance Luzon mula 30% hanggang 32%, at sa Mindanao mula 30% hanggang 33%. Gayunpaman, bumagsak ito sa Visayas mula 34% hanggang 26%.

Kasabay nito, tumaas ang mga pamilya sa Balance Luzon na nagsabing hindi sila mahirap mula 20% hanggang 25%. Gayunpaman, bumagsak sa Metro Manila mula 39% hanggang 33% at sa Mindanao mula 11% hanggang 6%, habang hindi ito nagbago sa Visayas sa 9%.

Dahil sa naturang survey nitong Marso, tinatayang mayroon umanong 14 milyong Self-Rated Poor families nitong Marso 2023 habang 12.9 milyon noong Disyembre 2022.