Pormal nang umarangkada nitong Martes ang apat na buwang rehabilitasyong isasagawa sa Lagusnilad Underpass na matatagpuan sa harapan mismo ng Manila City Hall.

Kaugnay nito, umaapela si Manila Mayor Honey Lacuna ng pang-unawa sa publiko dulot ng naturang temporary closure ng underpass.

Ang apela ay ginawa ng alkalde matapos na pangunahan ang groundbreaking ceremony ng upgrading, concreting at drainage improvement ng Lagusnilad Underpass, kasama sina Vice Mayor Yul Servo, City Engineer Armand Andres, City Electrician Randy Sadac, Congressman Irwin Tieng, pati na ng ilangcity councilors at ilang city officials.

Sa kanyang talumpati sa naturang aktibidad, sinabi ni Lacuna na ang underpass ay ginawa noong dekada 60 noong panahon ng yumaong Mayor Antonio Villegas at sa paglipas ng panahon ito ay sobrang nagamit kung kaya nagkaroon ng mga pagkasira at madalas na binabaha tuwing umuulan.

Metro

Mas mataas kaysa 2024: Bilang ng deboto sa Nazareno 2025, umabot sa mahigit 8M!

Noong 2014, sinabi pa ng lady mayor na naglagay ng pump sa Lagusnilad upang higupin ang tubig na nagmumula sa ilalim ng lupa at ngayon ay i-a-upgrade na ito ng city government sa tulong ni Congressman Irwin Tieng ng ikalimang distrito.

“Sa totoo lamang, ang Lagusnilad ay nasa ilalim ng national government. Hindi po namin ito puwedeng basta-basta galawin nang hindi po lubusang nagpapaalam sa kanila [national government]. Pero sa kadahilanang ito po ay sakop ng inyong lungsod, kami na po ang gagawa ng paraan dahil sa totoo lang, kami ang laging nilalapitan at nirereklamo para once and for all maayos na natin ang makasaysayang Lagusnilad,” pahayag pa ng alkalde.

Humiling din ng pang-unawa ang alkalde sa publiko, partikular sa motorista na pagpasensyahan muna ang partial closure ng Lagusnilad na tatagal ng apat hanggang limang buwan at sinabing ang upgrading project ng Lagusnilad ay matagal ng hinihintay na proyekto na pakikinabangan ng hindi mabilang na Manileño at maging hindi taga-Maynila na dumadaan sa nasabing daan.

Nabatid naman kay Andres na ang kahabaan ng Lagusnilad na isasailalim sa rehabilitasyon ay nasa 235 linear meters habang ang average na lapad nito ay 6.3 linear meters.

Aniya pa, ang pondo para sa nasabing proyekto ay magmumula sa capital outlay ng road networks para sa fiscal year 2023.

Dagdag pa niAndres, ilang beses nang humiling ang pamahalaang lungsod sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para kumpunihin ang Lagusnilad Underpass simula pa noong panahon ni dating Mayor Isko Moreno hanggang maupo na si Lacuna bilang alkalde ngunit hindi ito napagbigyan.

Dito na nagdesisyon si Lacuna na sarilinin na lamang ang gastos sa rehabilitasyon ng Lagusnilad at inatasan si Andres na alamin ang estimate cost ng proyekto upang malunasan na ang problema ng mga motorista sa nasabing daan.

Pinasalamatan naman ni Lacuna si Andres at Tieng, na napag-alaman na popondohan ang upgrading ng pumps bukod pa sa P50 million na gagastusin ng city government gaya ng pagkakaapruba ng alkalde.

Bago naman ang nasabing groundbreaking ceremony, nasorpresa si Lacuna nang pagkatapos ng kanyang mensahe, ay umakyat sa entablado ang mga kawani at ilang department heads upang handugan siya ng cake at bouquets ng mga bulaklak habang kumakanta ng birthday song.

Nabatid na ipagdiriwang ang alkalde ang kanyang kaarawan ngayong weekend.