Ito ang isa sa rebelasyon ni Eat Bulaga host Tito Sotto sa naging tell-all interview nitong Martes, Abril 25 bilang tugon sa ilang kontrobersiyang nakapalibot sa Eat Bulaga gayundin para pabulaanan ang naunang mga detalye ni Dapitan Mayor Bullet Jalosjos na siya ring chief financing officer ng TAPE, Inc., ang producer ng noontime show.

Para bigyang-linaw ang publiko at maiwasan pa na lalong mabalot ng konyrobersiya ang Eat Bulaga, isang panayam kay Nelson Canlas ang pinaunlakan ng dating Senate President kaugnay ng ilang pagbabago sa higit apat na dekada nang noontime show.

Teleserye

Jennylyn kare-renew lang ng kontrata sa GMA, may serye agad kasama si Dennis

Pagkakatatag ng Eat Bulaga

Unang binalikan ng host ang pagkakatatag sa programa noong 1979 na umere sa Channel 9 sa ilalim ng Production Specialists Incorporated, pag-aari noon ni Romy Jalosjos na ngayo’y chairman of the board ng TAPE.

Sa salaysay ni Tito Sen, orihinal na konsepto ni Tony Tuviera ang programa na inalok sa Tito, Vic Sotto and Joey de Leon (TVJ) na kalaunan noong 1980 ay nabura matapos ang mahigpit na kompetisyon sa GMA.

“In other words, nagkabaon-baun sa utang. Naubos na yung puhonan ng Production Specialists,” kwento ng host sa dating produksyon na siya ring nagpatakbo noon sa Philippine Basketball Association.

Dito na aniya naging puhonan ng programa ang “blood, sweat and tears” ng TVJ at ni Tony mula 1980-1981 na sa kabila ng walang maayos na sahod ay ipinagpatuloy umano nila ang Eat Bulaga.

“Pagdating ng 1981, July 7, incorporated na ‘yung TAPE. They started producing the program. ‘Yun ang sinasabi namin na division dyan, ang TAPE Inc. producer, ang Eat Bulaga kami, ang production,” anang host.

Kasalukuyang pagbabago sa programa matapos ang higit apat na dekada

Nitong Marso, una ngang naiulat ang inaasahang malaking pagbabago sa programa matapos ang naiulat na pag-take-over umano ng mga Jalosjos sa TAPE, at ang umano’y pagiging hands-on nito sa produksyon.

Ito nga ang kinumpirma rin ni Tito Sen kasunod ng pagbabago ng komposisyon ng TAPE kung saan bahagi rito ang pagretiro na ni Tony, at mga panukala umanong pagpapalit sa ilang format ng programa kabilang ang mga segment nito, bagay na inalmahan umano ng mga host.

Dito sunod na isiniwalat ni Tito Sen ang malaki umanong “deperensya sa financing, funding” ng korporasyon na aniya’y dapat hiwalay sa problema ng Eat Bulaga.

“TAPE is the producer, EAT Bulaga is the production. Eat Bulaga is Tito, Vic, and Joy,” anang host na proud sa halos 44 taong “ups and downs” ng programa

Pagsasalaysay pa ni Tito Sen, “nalulugi” umano bigla ngayon ang TAPE dahilan para “baguhin ang nagpapatakbo at i-reinvent ang Eat Bulaga.”

Dagdag pa niya, “bored” umano sa ilang segment ang ipinagpalagay niyang “chairman” ng board ng TAPE para mauwi sa suhestyon na palitan ang ilan sa mga ito, bagay na kanilang tinutulan.

“We will be sacrificing the program. ‘Pag ka ganyan ‘di tayo magkasundo. Baka magkakahiwalay-hiwalay tayo,” ani Tito Sen na aminadong napag-usapan naman at akala niya’y napagkasunduan nang disinteres nila sa mga inihapag na pagbabago hanggang sa lumabas na nga aniya ang ilang pahayag na taliwas dito.

“Lately, biglang may member of the board tells media something else,” pagtukoy ng host kay Mayor Bullet na lumabas kamakailan sa programa ni Boy Abunda.

Dito na isiniwat ni Tito Sen ang umano’y milyones na utang ng korporasyon kay Vic at Joey.

"Wala daw utang kay Vic at Joey ang TAPE. That’s completely false, ng laki ng utang kay Vic at kay Joey. Mahigit tig-P30 million ang utang sa kanila," aniya para sa taong 2022 pa lang.

Nagpahayag naman ng diskumpiyansa si Tito Sen sa naunang pahayag umano sa kanila kaugnay ng pagkalugi ng TAPE, bagay na pinabulaanan din ni Mayor Bullet sa kaniyang naunang panayam.

“Nagtataka kasi kami, paano mo sasabihing nalulugi ang Eat Bulaga or nalulugi ang TAPE, baka ang TAPE ang nalulugi,” aniya habang sunod na binanggit ang nakuha umano niyang dokumento mula Securities and Exchange Commission (SEC) na nagpapakita ng P213 million net profit ng TAPE para sa taong 2021.

“Paano ka nalugi? For 2022, remember election year, ang political ads nadagdag dun sa regular na mga [dami ng ads] at lumuwag ang Covid so you expect better than 213 million net profit,” aniya.

“But then again, we were informed that a little over P400 million of political ads that were placed in EB vanished,” rebelasyon ng host na aniya’y TAPE lang ang makakasagot.

Sa ngayon, wala pang sagot ang TAPE ukol sa mga detalyeng isinapubliko ng host.