Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. nitong Lunes, Abril 24, na sa kaniyang pagbisita sa Washington sa susunod na linggo ay pag-uusapan nila ni United States (US) President Joe Biden ang maraming mahahalagang isyu tulad ng defense agreements at climate change.

Inanunsyo ng Malacanang kamakailan na bibisita si Marcos sa Washington, D.C. mula Abril 30 hanggang May 4, matapos ianunsyo ng White House na makikipagpulong ito kay Biden sa Mayo 1.

BASAHIN: PBBM, makikipagpulong kay Biden sa gitna ng tensyon sa China

Sa isang panayam sa radyo, ibinahagi ni Marcos na pag-uusapan nila ni Biden ang Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Pilipinas at America na kinakailangan umanong mas mapagtibay pa.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

“We have to evolve it. It has to evolve dahil nag-e-evolve din, kailangan ina-adjust adjust din natin ‘yan dahil mayroon din talagang evolution, may nagbabago rin sa sitwasyon na hinaharap natin dito sa South China Sea, sa gitna ng mga pangyayari, sa Taiwan, sa North Korea, lahat itong mga ano, na medyo umiinit ang sitwasyon dito sa atin,” ani Marcos.

Kamakailan lamang ay inanunsyo ng Malacañang ang apat na karagdagang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites at maaaring gamitin umano para sa humanitarian at relief operations tuwing may mga kalamidad.

BASAHIN: Malacañang, inihayag ang 4 karagdagang EDCA sites

Samantala, pag-uusapan din umano ng dalawang pangulo ang tungkol sa ekonomiya, turismo, at pangangalaga sa kalusugan.

Pagdating naman sa usapin ng pagresolba ng climate change, sinabi ni Marcos na makikipagpulong siya sa mga nangungunang opisyal ng US upang talakayin ang "green bonds" na maaaring makatulong upang mabawasan ang carbon emissions.

“Mayroon silang binibigay na tinatawag na green bond. Ibig sabihin, magbibigay sila ng pondo para tulungan tayo para ayusin. Halimbawa ‘yung mga no build zone na ilipat dadalin sa — ilalayo sa dagat para naman hindi na tamaan ng ano, hindi na tamaan ng mabibigat na bagyo,” ani Marcos.

“Mayroon na rin tayong ginagawa doon sa climate change na may value ‘yung gubat. Basta’t may gubat ka, may value ‘yun, puwede mong lagyan ng dollar value ‘yun. At ‘yun ang puwede mong gamitin, puwede mong gamitin na pag-invest para doon nga sa mga pondo na binibigay. So malaking malaking bagay ‘yun,” dagdag niya.

Sasabihin din daw ni Marcos kay Biden kung paano nila mababawasan ang "rhetoric" sa pagitan ng mga bansa kapag may nangyaring insidente tungkol sa mga isyu sa rehiyon.

"Kung ano yung mga pwede nating gawin upang bawasan naman yung rhetoric dahil ngayon medyo mabibigat na usapan medyo nagkakabitawan ng mga maaanghang na salita na e, siyempre inaalala natin 'yan," aniya.

Ito ang magiging pangalawa pagbisita ni Marcos sa naturang bansa simula nang maupo siya bilang pangulo ng Pilipinas.