Camp Olivas, San Fernando City, Pampanga — Halos P800,000 halaga ng umano'y shabu ang nasabat ng mga awtoridad sa magkahiwalay na anti-drug operations sa Floridablanca, Pampanga at Angeles City noong Abril 20 at 21.

Nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Floridablanca Police sa Brgy. Bodega, Floridablanca, Pampanga na nagresulta sa pagkakaaresto sa tatlong suspek sa drug watch list, na kinilalang sina Joel Sanque alyas “Joel,” Aida Mira alyas “Bidang,” at Randy Escotillon alyas “Randy.”

Nakumpiska mula sa tatlo ang marked money; Cal. 45 Pistol STI Grandmaster; Cal. 45 magazine na puno ng anim na bala; timbangan; Camelbak sling bag; Xiaomi cellphone; tatlong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 53 gramo na may tinatayang halagang P363,000.00.

Samantala sa Angeles City, naaresto si Jessica Nucum na nakalista sa drug watchlist kasama ang kanyang katropa na si Jhonnel Montalbo sa buy-bust operation sa Brgy. Pulung Maragul, Angeles City.

Probinsya

Ash falls dulot ng bulkang Kanlaon, naranasan sa ilang bahagi ng Negros Occidental

Nasamsam sa kanila ang tatlong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may bigat na humigit-kumulang 52 gramo na tinatayang nagkakahalaga ng P354,000.00.

Ang buy-bust operation naman sa Brgy. Sta. Trinidad, Angeles City ay nagresulta sa pagkakaaresto sa isang miyembro ng Sputnik Gang at nakalista sa drug watchlist na kinilalang si Elton Menor.

Nakumpiska sa kanya ang Cal. 38 Revolver; tatlong bala; marked money at tatlong heat-sealed sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 10 gramo na tinatayang nagkakahalaga ng P68,000.00.

Tiniyak naman ng mga opisyal ng Central Luzon police na magpapatuloy ang walang humpay na pagtugis ng kanilang kapulisan sa paglaban sa mga aktibidad kaugnay ng ilegal na droga.

Susuportahan nito ang BIDA Program ng DILG na naglalayon sa pagbabawas ng pagkonsumo ng droga sa loob ng mga komunidad.