Pitong mga lugar sa bansa ang nagtala ng mga heat index na umabot sa "danger" level nitong Linggo, Abril 23, ayon Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Naitala umano ang mapanganib na heat index sa Legazpi City, Albay (46℃); Ambulong, Tanauan, Batangas (43℃); Dagupan City, Pangasinan (43℃); Davao City, Davao del Sur (42℃); Iba, Zambales (42℃); Masbate City, Masbate (42℃); at Ninoy Aquino International Airport sa Pasay City (42℃).
Ayon sa PAGASA, ang heat index ay ang pagsukat kung gaano kainit ang nararamdaman kapag ang “humidity” ay isinasama sa aktwal na temperatura ng hangin.
Maaari umanong malagay sa “danger” level ang mga heat index na mula 42°C hanggang 51°C dahil posible rito ang “heat cramp” at “heat exhaustion".
“Heat stroke is probable with continued activity,” saad pa ng PAGASA.
Ang pinakamataas umanong naobserbahang heat index mula noong Marso 1 ngayong taon ay ang 48°C sa Butuan City, Agusan del Norte noong Abril 21.
Samantala, sa susunod na 24 oras, sinabi ng PAGASA na bahagyang maulap hanggang sa maulap na panahon ang mananatili sa buong bansa.
Maaari din umanong magkaroon ng ilang pag-ulan o pagkidlat-pagkulog sa hapon o gabi.
Pinayuhan ng PAGASA ang publiko na manatiling mapagmatyag dahil maaaring magkaroon ng pagbaha o pagguho ng lupa sa panahon ng matinding thunderstorms, na kadalasang kaakibat ng biglaang malakas na pag-ulan, kidlat, kulog, at bugso ng hangin.
Ellalyn de Vera-Ruiz