Tinatayang 89% ng mga Pinoy ang nasisiyahan sa takbo ng demokrasya sa Pilipinas, ayon sa Social Weather Station (SWS) nitong Biyernes, Abril 21.

Ang nasabing porsyento ay 11 puntos umanong mas mataas sa 78% resulta ng survey noong April 2021, at tatlong puntos na mas mataas sa tala noong Setyembre 2016 na 86%.

“Satisfaction with the way democracy works used to range from 29% to 70% from November 1991 to March 2010, and then it has ranged from 59% to 89% since June 2010,” anang institusyon.

Saad pa ng SWS, 60% ng mga Pinoy ang mas gusto ng demokrasya kaysa sa anumang uri ng pamahalaan.

National

Meralco, may dagdag-singil sa kuryente ngayong Nobyembre

Nasa 26% naman umano ang nagsabing “sa ilalim ng ilang mga pangyayari, ang isang awtoritaryan na pamahalaan ay maaaring maging higit na mabuti kaysa sa isang demokratikong pamahalaan”, habang 15% ang nagsabing “hindi mahalaga kung mayroong demokratiko o hindi demokratikong rehimen”.

Isinagawa ng SWS ang survey mula Disyembre 10 hanggang 14, 2022, sa pamamagitan ng personal na pakikipanayam sa 1,200 indibidwal na ang edad ay 18 pataas, at may sampling error margin na ±2.8%.