Balik na sa normal ang biyahe ng mga tren ng Philippine National Railways (PNR) nitong Biyernes matapos na tuluyan nang mainkaril o maibalik sa riles ang isang tren nito na unang nadiskaril kamakailan sa area ng Makati City.
“Balik normal at fully operational na po ang byahe ng PNR sa Metro Manila at iba pang lugar simula ngayong umaga ng Abril 21, 2023,” anang PNR, sa isang pahayag.
Ayon kay PNR General Manager Jeremy Regino, pasado alas-8:20 ng gabi ng Huwebes nang tuluyang maibalik sa riles ang locomotive na nadiskaril sa bahagi ng Don Bosco Crossing sa Makati City.
Ginamitan anila ito ng crane upang maiangat at tuluyang mainkaril o ma-rerail.
Matapos ito ay dalawang ulit umanong nagsagawa ng test run ang mga tren upang matiyak na maiiwasan na ang nasabing insidente.
Ang nadiskaril na tren ay dinala naman umano sa depot sa Maynila upang maimbestigahan ang dahilan nang pagkadiskaril nito.
Nabatid na nasa 14 na train sets ng PNR ang bumibiyahe sa ngayon at tumatakbo ng 20 kph.
Batay sa inilabas na iskedyul ng PNR, sinimulan ang biyahe ng mga tren ganap na alas-5:06 ng madaling araw.
Narito ang listahan ng mga biyahe ng mga tren ng PNR nitong Biyernes, Abril 21, 2023:
- Tutuban to Alabang -5:06 am; 6:06 am; 7:16 am; 8:16 am; 9:16 am; 10:26 am
- Alabang to Tutuban -7:23 am; 8:03 am; 9:03 am; 10:03 am; 11:03 am
- Tutuban to Bicutan - 11:26 am
- Tutuban to Gov. Pascual - 6:41 am
- Gov. Pascual to Tutuban - 10:35 am
- Gov. Pascual to Bicutan - 7:12 am
- Bicutan to Gov. Pascual - 9:02 am
- San Pablo to Calamba - 6:25 am
- San Pablo to Lucena - 6:15 am
- Naga to Sipocot - 5:20 am; 10:40 am
- Sipocot to Naga - 6:40 am
Matatandaang noong Martes ay nadiskaril ang isang tren ng PNR sanhi upang malimitahan ang kanilang mga biyahe.
Patungo sana ang tren sa Alabang sa Muntinlupa City, mula sa Tutuban sa Maynila nang maganap ang insidente dakong alas-11:30 ng tanghali.
Wala namang nasugatan sa insidente at ligtas lahat ang 400 pasaherong sakay nito.