Magandang balita para sa mga deboto ng Itim na Nazareno.
Ito'y dahil pinag-iisipan na ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang pagdaraos muli ng tradisyunal na ‘Traslacion’ sa taong 2024.
Kasunod na rin ito nang naging matagumpay, maayos at walang aberyang motorcade para sa Itim na Nazareno na idinaos noong Biyernes Santo.
Nauna rito, sumang-ayon si Manila Mayor Honey Lacuna sa Quiapo Church authorities at Hijos Del Nazareno na magsagawa ng motorcade sa halip ang nakagawiang prusisyon tuwing Biyernes Santo.
Sa kanyang pahayag, sinabi ng alkalde na ang magiging resulta ng motorcade ang siyang pagbabasehan ng lokal na pamahalaan kung papayagan na ang ‘Traslacion’ sa Enero 9, 2024.
Ang motorcade ay ginawa ganap na alas-12:01 ng madaling araw noong Biyernes Santo, Abril 7, na sinimulan at nagtapos sa Quiapo Church.
Ang kapareho ring ruta ng taunang Traslacion ang sinundan ng motorcade, kung saan may mahigit na 11,000 katao ang nakilahok.
Kaugnay nito, sinabi ni Lacuna na mahalaga ang pagsasagawa ng motorcade upang malaman kung paano ipinagdiriwang ang Kapistahan ng Itim na Nazareno sa susunod na taon.
Bagama't ang bilang ng mga dumalo ay malayo sa bilang ng mga dumadalo sa prusisyon tuwing Pista, sinabi ni Lacuna na ang tagumpay ng motorcade ay indikasyong kayang pamahalaan ng mga Hijos ang napakalaking bilang ng mga dadalo sa Traslacion.
"The possibility of a Traslacion being held in 2024 is being highly considered," sabi pa ni Lacuna, matapos na ipakita ng mga deboto ang kanilang disiplina at kaya nilang umayos sa pamamaraang tama habang ipinadarama ang kanilang pananampalataya.
Sakaling mangyari ito, tiniyak ni Lacuna na ang lahat ng suporta ay ibibigay ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Manila Parking and Traffic Bureau, city engineering office, Manila Disaster Risk Reduction Management Office, Manila Police District at ng department of public services, gayundin ng iba pa na tulad din ng ginawa ng Maynila noong Biyernes Santo nang magsawa ng motorcade.