Ang karahasan ay hindi dapat ipataw sa sinuman.
Ito ang pahayag ng Philippine Commission on Women (PCW) nitong Martes, Abril 18, bilang tugon sa isang viral video na nagpapakita ng pagmamaltrato ng isang pulis sa kanyang kinakasama.
"Hindi namin maisip ang matinding sakit na dinanas niya, dahil sa malalakas na sipa at suntok na iyon, kasama ng mga mura," anang PCW sa sinalin na pahayag nitong Martes.
“Inuulit [namin] na ang lahat ng uri ng karahasan ay hindi dapat ipataw sa sinuman. Walang sinuman, anuman ang kanilang kasarian, kalagayan sa buhay, [at] mga pangyayari ang dapat na makaranas ng karahasan na maaaring mag-iwan sa kanila ng pisikal at sikolohikal na pinsala, halos sa bingit ng kamatayan, " dagdag nito.
Lahat ng uri ng karahasan – mahuli man ito o hindi, at kung sino man ang mga salarin at mga biktima – ay dapat kondenahin ayon sa PCW. Sa kaparehong pahayag, hinimok ng komisyon ang Philippine National Police (PNP) na pag-aralan pa ang usapin at tiyaking makakamit ang hustisya.
"Nawa'y patuloy na itanim ng ahensya ang pagiging sensitibo ng kasarian sa lahat ng mga pulis na sila ay magiging tagapagtanggol ng kababaihan mula sa karahasan, hindi ang gumawa nito," pagdidiin ng PCW.
Sa datos ng PNP, hindi bababa sa 7,424 na kaso ng karahasan laban sa kababaihan at bata ang naiulat noong 2022.
Charie Mae F. Abarca