Magandang balita dahil tinaasan ng Marikina City Government ang allowances na kanilang ipinagkakaloob sa mga student-athletes at teacher-coaches ng lungsod na lalahok sa Regional Palaro 2023.

Nabatid na isinulong ni Marikina City 1st District Representative Marjorie Ann “Maan” Teodoro ang pagtataas ng allowance ng mga Marikina student-athletes at teacher-coaches na lalahok sa 2023 Regional Athletic Meet.

Hinikayat rin ni Cong. Teodoro ang kanyang asawang si Marikina Mayor Marcelino "Marcy" Teodoro sa send-off ceremony para sa mga atleta nitong Martes, na dagdagan ang allowances ng mga ito.

Ipinaliwanag ng mambabatas na ang meal allowance ng mga ito ay itinaas na mula P300 hanggang P500 kada araw, sa loob ng limang araw.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

“Ang meal allowance for athletes, coaches ay P2,500. Mula P300 naging P500 kaya P2,500 na. Transportation allowance would be P2,500 also. Training allowance is P3,500 for a total of P8,500,” aniya pa.

Dagdag pa ng mambabatas, “Alam ko tayong lahat gustong manalo. Iyon naman ang dahilan kung bakit tayo sumali. Pero minsan hindi lang sa pagkapanalo ang sukatan ng kagalingan. Iyong natamo ninyong karanasan, isang malaking panalo na rin iyan.”

Aniya pa, “Dahil alam kung deserve na deserve ng bawat isa na atleta, ng coach, mga kasamang guro. Kahit papaano kaunting umento doon sa pagkain natin sa allowance dahil alam kung magiging challenging ang NCR Palaro.”

“At kahit man lang dito sa paraang ito yung allowance ninyo ay matulungan namin kayo at mabigay namin yung best din ng ating siyudad at ng DepEd,” ani Cong. Maan.

Sa kanyang talumpati, inianunsiyo naman ni Mayor Marcy na bukod sa P8,500, makakatanggap rin ang mga student-athletes na kakatawan sa Marikina sa NCR Palaro ng karagdagang P5,000 allowance.

“Lahat ng athlete would have an additional allowance, over and above the P8,500, an additional of P5000. Again, to all the athletes, congratulations!” anang alkalde, na umani ng palakpakan sa mga atleta, gayundin sa kanilang mga magulang at mga guro.

Sinaluduhan rin ng alkalde ang mga atleta at sinabing proud siya sa mga ito dahil sa kanilang dedikasyon at disiplina.

“Saludo ako, bilib ako sa mga atleta na kasama natin ngayon. Mabuti at magandang halimbawa kayo sa ating mga kaeskwela, sa ating mga kaibigan. Sa disiplina natin sa sarili, sa tamang paggamit ng ating oras, tamang pangangalaga sa ating katauhan,” anang alkalde.

“Iyong pag-aaral, pangunahin. Iyong sports napakahalaga sapagkat it complements our well-being. As we radiate it, nakakatulong din tayo. Iyong good vibes sa sports,” aniya pa.

Noong Enero, inianunsiyo ng Department of Education (DepEd) na ang 2023 Palarong Pambansa ay idaraos sa Marikina City mula Hulyo 29 hanggang Agosto 5.