Pormal nang umarangkada ang istriktong implementasyon ng wheel clamping ordinance sa San Juan City nitong Martes.

Mismong si San Juan City Mayor at Metro Manila Council (MMC) President Francis Zamora ang nanguna sa implementasyon ng ordinansa, na ang layunin ay i-discourage ang illegal parking sa lungsod na nagreresulta sa pagsisikip ng daloy ng trapiko.

Sinimulan nila ang operasyon dakong alas-10:30 ng umaga sa Club Filipino Avenue sa Greenhills at saka sila lumipat sa iba pang kalsada sa lugar, kabilang ang Annapolis at Missouri, bago nagtungo sa iba pang Mabuhay Lanes at City Streets.

Ang road clearing operation ay kasunod nang pag-amiyenda sa San Juan City Wheel Clamping Ordinance (C.O. No. 70, Series of 2022) at MMDA Resolution No. 10, Series of 2010, kung saan ang mga sasakyang ilegal na nakaparada sa Mabuhay Lanes at city roads ay ika-clamp ng mga otoridad.

Metro

Tatay na umano'y nambugbog, sugatan matapos gantihan at saksakin ng anak

“We are fully implementing this ordinance in San Juan to improve the traffic situation in our city. San Juan is one of the main thoroughfares in Metro Manila and many pass by our city to get to their destination, especially during rush hour. This is one way to address the traffic congestion and discourage vehicle owners from illegally parking in our streets,” ani Mayor Zamora.

Nabatid na ang mga mahuhuling vehicle owners, drivers, at operators ay papatawan ng multa.

Ani Zamora, ang mga motorsiklo ay kailangang magmulta ng P500;  P1,500 naman sa mga kotse, AUV, SUV at jeepneys habang ang mga cargo trucks, delivery vans, at passenger buses ay P2,000.

Ang mga offenders naman na magtatangkang mag-alis o sirain ang wheel clamp ay pagmumultahin ng P5,000.

Nabatid din na exempted sa clamping ang mga public emergency vehicles gaya ng fire trucks, police mobiles, at mga ambulansiya.

Sinabi ni Zamora na ang mga maka- clamped na sasakyan ay maaaring magbayad agad ng multa sa City Treasury via online transaction, sa pamamagitan nang pag- scan sa QR Code via Starpay.

Maaari aniya nilang ipakita ang kanilang proof of payment sa City Traffic Enforcers upang kaagad na matanggal ang clamps sa kanilang sasakyan.

Nabatid na ang lahat ng major banks at e-wallet platforms ay maaaring gamitin sa pagbabayad ng multa online, sa pamamagitan ng Starpay at QRPH Standard. 

Malaking convenience ito dahil hindi na aniya kailangang magtungo ng mga violators sa San Juan City Hall para magbayad ng multa.

"Apprehended vehicle owners will simply need to scan the QR Code presented by the enforcer using their preferred banking or e-wallet application to settle their payments with ease, providing additional convenience as well to the enforcer who will not need to manage physical cash," anang alkalde.

Nagbabala naman ang alkalde na kaagad na ito-tow ng lungsod o ng MMDA ang mga na-clamped na sasakyan at dadalhin sa pinakamalapit na impounding area, kung di mabayaran ang multa para sa mga ito, sa loob ng ibinigay na limang oras na grace period.

Mangangahulugan aniya ito ng karagdagang multa at bayarin para sa may-ari ng sasakyan.