Tuwing sasapit ang Semana Santa o Holy Week, hindi nawawala ang mga pagtatanghal na nagpapakita ng re-enactment sa mga paghihirap at pagsasakripisyo ni Hesukristo nang siya ay ipako sa krus ng kalbaryo. Maituturing na isang malaking karangalan sa mga aktor kung mapipiling gampanan ang papel ng Dakilang Tagapagligtas, sa pelikula man, telebisyon, o senakulo.
Narito ang ilan sa Pinoy actors na gumanap na Panginoong Hesukristo sa iba't ibang klase ng pagtatanghal.
JAO MAPA
Si Jao ay dating ABS-CBN actor at matinee idol na gumanap bilang Hesus sa senakulong "Martir sa Golgota" noong 2008.
BASTI ARTADI
Siya ay Wolfgang lead vocalist na gumanap bilang Hesus sa musical play na 'Jesus Christ, Superstar' of the Atlantis Production.
JOJO RIGUERRA
Si Jojo ay isang character actor na kadalasan ay lumalabas sa indie films, at isang commercial model. Siya naman ang gumanap na Hesus sa 2014 version ng "Martir sa Golgota."
KIRST VIRAY
Si Kirst na isang character actor-model ay tampok naman sa senakulong Kristo XXIX.
LANCE RAYMUNDO
Ang OPM singer-actor ang gumanap na Kristo sa 2018 version ng "Martir sa Golgota" sa direksyon ni Lou Veloso na kamakailan ay sumikat bilang "Mr. Torres" sa pumatok at award-winning fantasy-historical drama series na "Maria Clara at Ibarra."
NOEL CABANGON
Oo, tama ka! Hindi lamang singer at songwriter si Noel kundi artista rin! Siya ang nagsilbing Kristo sa Broadway musical play na "Jesus Christ, Superstar" na 2000 version naman.
MAT RANILLO III
Sino nga bang makalilimot sa markadong pagganap ni Mat sa pelikulang "Kristo" noong 1996? Kaya mahusay ay dahil anak siya ng mahuhusay na batikang artistang sina Gloria Sevilla at Mat Ranillo, Jr.