School polo ni Francis M, naisubasta sa halagang ₱620k
Ibinahagi ni Parokya ni Edgar lead vocalist Chito Miranda na naisubasta na ang iconic school polo na ginamit ng namayapang Pinoy rapper na si Francis Magalona sa "Bagsakan," sa presyong ₱620,000 na gagamitin sa pagpapagamot ng kaibigan at kabandang si "Gab Chee Kee."
Ang Bagsakan ay collab songs noong 2009 ng Parokya ni Edgar, Francis M, at isa pang sikat na Pinoy rapper na si Gloc-9.
"Maraming salamat sa lahat ng nag-bid para sa polo na ginamit ni Sir Francis Magalona sa music video ng Bagsakan, lalo kay Boss Toyo na nanalo sa bidding, na sya ring nakabili ng polo ni Gloc-9 for ₱80k, at sa polo ko for ₱150k (at yung "Halina sa Parokya" puppets na nabili n'ya for ₱85k)," kuwento ni Chito sa kaniyang latest Instagram post.
"Napakalaking tulong nito for Gab kasi lahat ng kinita sa pagbenta ng mga polo ay mapupunta sa kanya.💚"
"Sobrang salamat din kay Ma'am Pia Magalona sa pag-donate ng polo ni Sir Kiko para kay Gab (alam ko po na sobra yung sentimental value ng polo sa inyo pero pinili n'yo pa ring i-donate para makatulong sa kabanda namin✌🏼😭❤️)."
"Gusto ko rin magpasalamat kay @saabmagalona na naging tulay sa pag-coordinate namin kay Ma'am Pia para mahanap yung polo ni Sir Kiko, and aside from that, donated more than ₱300k mula sa shirt company nila na @linyalinya ❤️."
"Grabe kayo."
"Maraming maraming salamat sa inyong lahat mula sa Parokya, at sa family ni Gab.❤️❤️❤️," pasasalamat ni Chito.