Matapos magbukas ang bidding nitong Huwebes, Marso 2, para sa iconic shirt na sinuot ni Francis Magalona sa “Bagsakan” music video, umabot na agad sa P550,000 ang highest bid sa pag-uulat.
Ang inisyatiba ang para pa rin sa nagpapatuloy na gamutan ni Gab Chee Kee, gitarista ng Parokya ni Edgar na patuloy ang laban sa sakit na lymphoma.
Matapos magbigay na rin ng basbas noong Miyerkules, Marso 1, ang pamilya Magalona, kabilang na ang misis ni Kiko na si Pia na isubasta ang polo para makatulong sa gamutan ni Gab, nagbukas sa P100,000 ang bidding.
Magpapatuloy ito hanggang ika-10 ng gabi ng Lunes, Marso 6, eksaktong anibersaryo rin ng pagkamatay ni Francis M sa sakit na kanser noong 2009.
Tanging higher bidder lang ang makatatanggap ng abiso via text, dagdag ng anunsyo ng PNE.
“Again, serious bidders only please. Hindi ito sapilitan. Tulong po ito para kay Gab pambayad ng hospital bills niya,” muling paalala ng PNE.
Matatandaang ilang serye ng auction na ang inilunsad ng banda para sa pinansyal na suporta sa nakaratay na si Gab.
Noong Pebrero, naisubasta na rin sa halagang P150,000 ang “Bagsakan” shirt ni Chito Miranda.