Mainit ang mga naging sagot ng talent manager at showbiz columnist na si Ogie Diaz patungkol sa pahayag ng CEO ng ‘Careless’ na si Jeffrey Oh, hinggil sa umano'y panghihinayang nila para kay Liza Soberano na siyang gaganap daw sa role na ‘Mary Jane’ sa Hollywood film na “Spider-Man: Homecoming.”
Sa huling bahagi ng pinaka-bagong episode ng “Ogie Diaz Showbiz Update,” binigyang linaw ni Tito Ogs na wala hindi naman nakatanggap ng imbitasyon ang kaniyang dating alaga para mag-audition sa nasabing role.
“Isisingit ko lamang po itong isyung ito, ah? Kasi baka ‘pag dinedma ko ‘to baka ang feeling nila e, totoong nangyari ito. Ito’y may kinalaman po doon sa sinabi ni Mr. Jeffrey Oh, ang CEO ng Careless management ni Liza Soberano tungkol doon sa nanghihinayang sila kung bakit sana ay si Liza Soberano ang gumanap na Mary Jane, na leading lady ni Spider-Man ‘nung mga 2016, 2017,” lahad ni Ogie.
“Si Liza Soberano na rin po ang nagsabi niyan, na walang imbitasyon na galing sa Marvel,” diin niya.
Inilahad din ng talent manager na ang mga kumalat na balita ay galing lamang sa isang fan.
“‘Yung tweet na ‘yun ay galing sa isang fan na nagpakalat na naniniwala na posible na makapasok si Liza bilang isa sa mga extra or may mga roles doon sa “Spider-Man” kung siya ay sakaling mag-audition. Hindi ko alam kung dito nanggagaling si Mr. Jeffrey Oh, ‘dun sa tweet ng fan na ‘yun o baka naman meron siyang resibo,” aniya.
May direktang mensahe naman si Tito Ogs para sa CEO ng Careless.
“Mr. Jeffrey, you might want to release the receipt or the proof that Liza received an invitation from Marvel to audition for the role of Mary Jane.”
Dagdag pa ni Ogie na wala talagang nakarating sa ABS-CBN, Star Magic, at sa kaniya na imbitasyon, dahilan upang hingan niya ng resibo ang bagong management ni Liza, na siyang sinegundahan naman din daw ng aktres noon.
“Hindi alam kung saan nanggagaling si Mr. Jeffrey kaya nga hinihingan ko ng resibo kasi baka ‘pag may resibo, e makapag-sorry kami kay Liza. Sino ba naman ang ayaw? Lead ‘yun, ano, at Hollywood movie ‘yun, ano, na pangarap ni Liza pero wala nga pong imbitasyon, alangan namang mag-gate crash ka sa audition? Wala namang ganun. Ba’t naman ‘di namin i-a-allow ‘di ba? Although that time marami talagang ginagawa si Liza, kasi may pangalan na ‘nun si Liza, popular na si Liza ‘nun, alangan namang nakatanghod lang ‘yan sa bahay at nag-iintay lang siya kung meron siyang audition mula sa Hollywood, hindi ba?”
Tila may suhestiyon naman si Ogie sa mga bagong gumagabay sa career ni Liza na sana ay nag-usap muna ang mga ito dahil naba-bash umano si Liza gawa na rin ng statement ng kanilang CEO.
“Kaya nga sabi ko sana nag-uusap sina Liza at ang bago niyang management or kinausap muna ni Mr. Jeffrey Oh si Liza kung anong kung ano pakakawalan na statement, kasi dahil diyan sa statement na ‘yan, binash tuloy nang binash si Liza. Pinagmumukhang ilusyunada si Liza. Diyos ko naman hindi naman starlet si Liza, sikat pa rin naman si Liza, e bakit kailangan dumaan sa mga ganitong ka-cheapan si Liza, hindi ba?”
“Hindi natin alam baka strategy ito ng Careless, hindi ba? Na lumikha ng ingay. If that is the case, aba bongga! They did it! Tsaka Diyos ko naman Mr. Jeffrey, kini-question mo ‘yung 10 years naming pagma-manage kay Liza, mas nakakahiya naman siguro kung sa loob ng 10 years na ‘yun e wala namang nangyari kay Liza, hindi naman siya sumikat hindi ba, hindi naman siya nakilala, hindi siya naging successful. After all, hindi niyo naman kukunin si Liza kung hindi naman siya sikat, kung nanatili siyang starlet sa sampung taon, hindi ba?”
Sa huli, idiniin ni Ogie na malaking parte ang dating pamamahala nila kay Liza sa tinatamasa nitong ningning sa industriya.
“You cannot erase the fact that ABS-CBN, Star Magic, and Ogie Diaz were part of Liza Soberano’s success, popularity you are enjoying. I know you can take good care of her as much as we did.”
Sa ngayon ay wala pang sagot ang Careless sa mga binitawang pahayag ni Ogie Diaz. Ang buong vlog ay mapapanood naman sa YouTube channel ng talent manager.