Sa hangaring maabot ang mas maraming Pilipino, lalo na ang mga mas bihasa sa ating pambansang wika, ilalabas ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary at dating Build, Build, Build committee chair Anna Mae Yu Lamentillo ang edisyong Filipino ng Night Owl.
Ang “Night Owl: Edisyong Filipino” ay salin sa Filipino na bersyon ng unang aklat ni Lamentillo na nagdedetalye sa mga nagawang imprastraktura ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, partikular na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilalim ng dating Kalihim na si Mark A. Villar.
“Nais naming mas maraming Pilipino ang makaalam at maunawaan ang kahalagahan ng mga proyektong pang-imprastraktura na ipinatupad ng administrasyong Duterte sa ilalim ng Build, Build, Build program. Ang mga kalsada, tulay, silid-aralan, estrukturang pangontrol sa pagbaha, evacuation centers, airport at seaport projects na natapos ay nagpabuti ng buhay ng ating mga mamamayan at nagbukas ng maraming pagkakataon para sa kanila,” ani Lamentillo.
“Nais naming ibahagi sa mas maraming Pilipino ang kuwento sa likod ng mga proyektong ito, dahil ito ang kanilang kuwento, ang kuwento ng ating bansa—ang mga paghihirap at hamon na kinailangan nating lagpasan upang maiugnay hindi lamang ang mga komunidad, kundi ang ating mga isla, at ang Luzon, Visayas, Mindanao,” dagdag pa niya.
Nilalaman ng aklat ang ulat sa Build, Build, Build program ng Duterte Administration, partikular na ang 29,264 kilometrong mga kalsada; 5,950 tulay; 11,340 na mga estrukturang pangontrol sa pagbaha; 222 evacuation centers; 150,149 silid-aralan; 214 na proyekto sa paliparan; at 451 mga proyektong daungan na itinayo sa loob ng limang taon.
Isinalaysay nito kung paano nalampasan ng DPWH, sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Villar, ang mga hamon ng right-of-way, ghost projects, at hindi naabot na mga deadline sa pamamagitan ng paggamit ng teknolohiya at pagpapalakas ng transparency at accountability measures.
Kasama rin ang isang kabanata sa digital infrastructure program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ilalim ng Build Better More thrust—na magpapatuloy sa nasimulan ng Build, Build, Build kasama ang isang malakas na digital infrastructure program upang matiyak na ang lahat ng Pilipino ay magkaroon ng access sa abot-kaya at maaasahang internet—na magbibigay hindi lamang ng mga pagkakataong matuto ng mga bagong teknolohiya kundi pati na rin ng access sa online learning, telemedicine, online banking, at iba pang digital services.
Ang Night Owl: Edisyong Filipino ay inakda ni Lamentillo, inedit nina Anna Mae Yu Lamentillo, AA Patawaran, Richard de Leon, at inilathala ng Manila Bulletin Publishing Corporation.