Nakiisa si Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas sa panawagan ng public utility jeepney (PUJ) drivers at operators sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ibasura ang memorandum circular na naglalayong i-phase out ang mga tradisyunal na jeep sa bansa.

“Tanging mga modern jeepney importers at fleet managers ang makikinabang sa PUV modernization na ito, habang lalong mababaon sa krisis at utang ang mga operator at drayber natin,” pahayag ni Brosas nitong Linggo, Marso 5.

Binigyang-diin ng mambabatas na dapat iatras ng gobyerno ang programa sa jeepney phaseout upang sumunod umano ang mga operator sa nais nilang PUV modernization.

“Dapat na tuluyang iatras ng administrasyong Marcos Jr. at ng LTFRB ang buong programa para sa jeepney phaseout, hindi lang yung deadline para sumunod ang operators sa gusto nilang PUV modernization at consolidation na pabor sa pribadong tubo,” ani Brosas.

National

Ofel, mas humina pa habang nasa vicinity ng Gonzaga, Cagayan

“It is plainly ridiculous for the LTFRB to keep Memorandum Circular 2023-013 which imposes a deadline for the consolidation of jeepney operators into cooperatives even as jeepney drivers and operators are already struggling with reduced take-home pays, rising gas prices and zero government subsidy for this year,” dagdag nito.

Ayon pa kay Brosas, wala umanong kahit "single centavo" na nakalaan para pondohan ang paglipat ng transportasyon sa mga modernong sasakyan na iniimport mula sa China at iba pang mga bansa.

“Nauna ring inanunsyo ng LTFRB na magbibigay ito ng prangkisa para sa 100,000 units ng dayuhang kumpanya na Grab, na kalauna’y inatras nito. Pero ang malinaw, malakas talaga ang pagkiling ng LTFRB sa pribadong tubo sa halip na unahin ang kapakanan ng maliliit na operator at drayber,” ani Brosas.

Maghahain umano ang Gabriela Partylist ng congressional inquiry sa PUV Modernization program ng LTFRB maging sa kasalukuyang lagay ng fleet management at consolidation sa bansa.